Puro laway si Bacalzo
NAKATUTOK ang lahat ng mga gambling lords sa sitwasyon ng jueteng sa Pangasinan. Mukhang ang pagbukas ng jueteng sa Pangasinan ay “dry run” lang para tuklasin kung gaano pa kainit ang pagtanggap ng parukyano sa sugal. Kung sabagay, ilang buwan ding nawala sa kalye ang jueteng at marami na ang naglalaway na magbukas ito. Ang pagsara kasi ng jueteng ang isang dahilan na sinisisi sa biglang pagtaas ng kriminalidad, hindi lang sa Metro Manila, kundi saang bahagi man ng bansa. At habang, nagsisigaw ang Palasyo na maglalabas na sila ng alituntunin sa jueteng, heto’t biglang nagbukas naman ang naturang sugal sa Pangasinan. Totoo kaya ang ikinakalat ng jueteng bagman na si Boy Bata na nabusalan na niya ng P1 milyon si retired Archbishop Oscar Cruz para manahimik siya sa jueteng?
Kung sabagay, nagsara pansamantala ang jueteng sa Pangasinan mula nang ibulgar ko na bumalik na ang naturang sugal sa kalye. Kapag nagbukas muli ang jueteng sa Pangasinan, ibig bang sabihin n’yan me basbas na ito ni Cruz, Palasyo, Gov. Amado Espino at PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo? At ano na ba ang nangyari sa Senate hearing laban sa jueteng? Tama lang ang binitiwang salita ng mga matatandang kausap ko na hindi pa isinisilang ang taong makapagpasara sa jueteng. Panay dakdak lang ang mga opisyales ng gobyerno ni P-Noy sa jueteng. Si Arch. Cruz? Si Boy Bata ang me kasagutan n’yan.
Dati-rati kasi ang putok na management ng jueteng sa Pangasinan ay si Gov. Espino. Subalit sa Senado, halos maiyak si Espino sa kadi-deny na sangkot siya sa jueteng. Ang front ni Espino noon, ayon sa mga kausap ko, ay itong si Mayor Orduna at ang bagman ay si Boy Bata nga. Ang papel ni Boy Bata ay ang magbigay ng lingguhang intelihensiya sa lahat ng unit ng PNP, NBI, DILG at iba pang ahensiya ng gobyerno. Nauntol ng may ilang buwan ang operasyon ng jueteng sa halos lahat ng sulok ng bansa partikular na sa Luzon matapos na sumawsaw ang mga senadores sa moro-morong imbestigasyon subalit nakapagtataka na sa ngayon ay unti-unti nang kinukun-disyon ang madlang people sa patago o kangarong pagbubukas na naman sa Pangasinan.
Uulitin ko ang management sa Umingan at Asingan ay si Marlon Nuarin; si Adolfo Fernandez naman sa Sta. Barbara at Calasiao; si Bong Cayabyab sa San Carlos City at si Teddy Salvador sa Mapandan. Get’s mo DILG Usec, Rico Puno at PNP chief Dir. Gen. Bacalzo Sir’s? Dapat tiyakin ni Usec. Puno na sa pagkakataon na ito, makikilala na n’ya kung sino ang mga kausap niya tungkol sa jueteng. “’Wag siyang patay mali na naman. Kaya naman nagsara pansamantala ang jueteng sa Pangasinan ay dahil sa kagustuhan ng provincial director ng PNP doon na siya ang magiging management ng jueteng. Hindi takot si PD sa “one-strike” policy ni Bacalzo?
Puro laway lang pala si Bacalzo. Ipakita mo na me asim ka, Gen. Bacalzo Sir. Sibakin mo na ang PD ng Pangasinan dahil, ayon sa kausap ko, na-ging front lang siya ni Espino sa jueteng. Abangan!
- Latest
- Trending