TINATAYANG 2.5 milyong household workers (mga maid, cook, houseboy, yaya, tagalaba at hardinero) ang makikinabang sa Senate Bill No. 78 o panukalang Batas Kasambahay na naglalayong itaas ang kanilang suweldo at mga benepisyo at isulong ang kanilang pangkabuuang pag-unlad.
Ang panukala ay inihain ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE). Ito ay pormal nang iprinisinta sa plenaryo ng Senado sa ilalim ng Committee Report No. 7
Ayon kay Jinggoy, bukod sa pagtataas ng suweldo at benepisyo ng mga kasambahay ay nilalayon din ng kanyang panukala na tiyakin ang maayos at ligtas na lugar ng kanilang pagtatrabaho, gayundin ang kaukulang pagkilala at pagrespeto sa kanilang mga karapatang-pantao, at pati rin ang sapat na proteksyon sa kanila laban sa anumang pagmamaltrato.
Kapag tuluyan na itong naging batas ay itataas sa P3,000 ang monthly minimum wage ng mga kasambahay sa Metro Manila at highly-urbanized cities; P2,500 sa mga nasa chartered cities at first class municipalities; at P2,000 naman sa mga nasa iba pang munisipyo sa buong bansa. Titiyakin din ang pagbibigay sa mga kasambahay ng 13th month pay at ang kanilang membership at mga benepisyo sa Pag-IBIG, PhilHealth at Employees Compensation Commission (ECC).
Isinasaad din ng panukala ang pagsasagawa ng mga local government unit (LGU) ng rehistrasyon ng mga kasambahay at kanilang employer upang ma-monitor at matiyak ang ganap na pag-iral ng naturang hakbangin, at ang pagpapatupad ng mga gender-responsive program para sa kapakanan ng mga nagseserbisyo sa mga kabahayan.
Iginiit ni Jinggoy na panahon na para itaas ang antas ng pagtatrabaho at kaukulang suweldo at mga benepisyo ng mga kasambahay.
Nawa ay suportahan ng mga kapwa senador at ng mga kongresista ang panukalang Batas Kasambahay upang maipatupad na.