UNDISPUTEDLY the best fighter of all time. Hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Wala nang dapat patunayan pa si Manny Pacquiao matapos matamo ang pang-walo niyang titulo nang ta-lunin si Antonio Margarito ng Mexico.
Si Margarito na rin ang kumilala sa pagiging “d’best” ni Pacman. Pati nga si Muhamad Ali na dating tinitingala bilang “the greatest” sa buong daigdig ay nahigitan na niya.
Sa buong kasaysayan ng boxing sa mundo, si Pacquiao lang ang nakakuha ng titulo sa walong dibisyon. Wala nang iba.
Kung ako ang tatanungin, tama na Manny. Hindi lang multi-milyunaryo si Pacquiao kundi isa nang bilyonaryo. Pero higit sa salapi, ang karangalan at katanyagan ang higit na mahalaga.
Pinahirapan nang husto ni Pacquiao ang halos six-footer niyang katunggaling si Margarito. Basag literal ang mukha. “Maga-rito, maga roon.”
Subalit hindi maikakailang pati si Pacquiao ay nasaktan nang matindi nang bigwasan siya sa tagiliran ng kalaban. Ang katawan ng tao ay tulad din ng makina. May wear and tear.
Tumatanda si Pacquiao at habang nagkaka-edad ay bumibigay ang kalusugan.
Ang problema, sa tingin ko lang ay yung mga taong nakikinabang sa kanya. Na sa bawat laban niya ay lumilimas ng milyones.
Kung si Pacquiao lang, sa tingin ko’y kuntento na sa perang kinita niya. Maaari na siyang maging pilantropo sa dami ng kanyang pera na kung maayos lang pangangasiwaan at hindi wawalda- sin ay sapat na habang siya’y nabubuhay. May matitira pa sa kanyang mga maiiwanan pagdating ng araw.
Pero sana’y huwag na siyang pauto sa mga taong ibig pa siyang gamitin sa pansariling interes.
Tanggapin man o hindi ng lahat, si Pacquiao ay isa nang pambansang bayani na nagbigay ng karangalan sa ating bansa.