NAGLALARO sa dalawang riles ang mga bata -- isa doon sa hindi na dinadaanan, ‘yung iba doon sa ginagamit pa. Paparating ang tren; nasa gilid ka ng track interchange. Maililiko mo ang tren patungo sa riles na luma upang mai-ligtas ang karamihan ng mga bata. Ngunit ibig sabihin noon ay isasakripisyo mo ang nag-iisang batang naglalaro doon. O hahayaan mo na lang ang tren na tumuloy nang kusa?
Karamihan ng kumuha ng test na ito ay piniling iliko ang tren at isakripisyo ang nag-iisang bata para sa nakararami. Para sa kanila, ‘yun ang makatuwirang desisyon.
Pero isipin: Bakit ang nag-iisang batang nasa abandonadong riles ang kailangang managot? Di ba’t tama siya na doon sa ligtas na lugar maglaro? Ganunpaman isinakripisyo siya dahil sa maling asal ng hindi nag-iisip na mga kaibigan, na doon naglaro sa mapanganib.
Nangyayari sa atin ang ganitong nakalilitong sitwasyon. Sa opisina o komunidad, sa pulitika, at lalo na sa demokratikong lipunan, madalas isinasakripisyo ang minorya para sa kagustuhan ng mayorya, gaano man kamali o kapulpol ang huli, at katalas o katino ng una.
Isinaisantabi ang batang humiwalay sa mga kalarong nasa gilid ng peligrosong riles. At nang isakripisyo siya, wala ni isang lumuha.
Anang batikang kritikong Leo Velski Julian, na gumawa nitong kuwento, hindi niya ililiko ang tren. Katwiran niya, dapat alam ng mga bata na ginagamit pa ang riles kaya delikadong maglaro roon, at dapat din lumayo sila nang bumusina ang tren. Kung kusang lumiko ang tren sa lumang riles, mabubundol ang nag-iisang bata dahil hindi niya akalaing dadaan pa ito roon. Dagdag ni Julian, kaya hindi na ginagamit ang riles ay dahil malamang sira-sira na, kaya kung daanan ‘yun ng tren ay maa-ring mapahamak ang mga pasahero. At sa aktong pagligtas ng ilang bata, mas marami pang sakay ang masasakripisyo.
Hindi lahat ng tama ay popular, hindi lahat ng popular ay tama.