Conditional cash transfer - dapat ba?
MARAMI ang tumutuligsa sa kontrobersyal na conditional cash transfer. Sabi nila, hinihikayat daw ng programa ang “panlilimos.” Kasi, ito’y isang pondong inilalaan sa pagbibigay ng direktang tulong-pinansyal sa mga mahihirap lalu na sa mga kabataang dumaranas ng gutom dahil sa kahirapan.
Hindi raw dapat bigyan ng dole-out ang mga mahirap kundi pagkakataong makapaghanap-buhay. Sabi nga ng mga Chinese “teach the man how to fish instead of giving him fish.” Sabi naman ng mga ekonomista sa mga tumututol, subukan muna ito sa loob ng limang taon at baka makatulong sa pagbawas sa mga pamilyang mahirap sa bansa.
Ayon kay dating NEDA Director General Felipe Medalla, bagamat hindi sapat ang programa para masugpo ang kahirapan, dapat itong pakasuriin at tingnan kung paano makatutulong sa pagpuksa sa kahirapan.
“If this program lessens the number of children who are out of school or of families who are hungry, I think this program deserves a chance,” Ani Medalla sa panayam ng media sa Forum on Conditional Cash Transfers (CCT) na ginanap sa UP School of Economics noong isang linggo.
Samantala, ang dean ng UP School of Economics na si Arsenio Balisacan ay bilib sa programa na kung tawagin ay Pantawid Pamilyang Pilipino Program (PPPP). Aniya “investing in the young now will increase the profitability of country in the future.”
Kalunus-lunos ang poverty level sa bansa. Ang numero unong nagdurusa ay ang mga kabataang dumaranas ng gutom na kung tawagin ay “involuntary hunger.” Ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre, 3 mil-yong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng sapilitang pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.
May mga tumututol sa programa dahil baka raw hindi magastos sa tamang layunin ang pondo. Pero tiniyak ni Social Welfare Secretary Dinky Soliman na hindi mangyayari ito dahil ang mga benepisyaryo ay tinuturuan ng social responsibility na bahagi ng programa.
Namana lang ang programang ito mula sa administrasyon ni dating Presidente Arroyo at wala naman akong tutol ngunit dapat ay dagdagan ng component ang programa upang turuang makapaghanap-buhay ang mga mararalita para hindi lamang umaasa sa bigay ng gobyerno. Unang-una, hindi naman mayaman ang Pilipinas at malaking tulong sa ekonomiya kung mahihimok ang mga mararalita na maging bahagi ng pagpapalago ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagha-hanap-buhay.
- Latest
- Trending