'In search for truth.' (Second Part)
UNANG sagupaan sa pagitan ng BITAG at ng mga pulis hulidap sa Hilltop, Taytay, Rizal, nabulabog ang buong kampo.
Layunin ng aming grupo na lumabas ang katotohanan at mabigyan ng katarungan ang sumbong ng mag-asawang humingi ng tulong sa aming tanggapan.
Ang biktimang lalaki, inagawan na ng motor, pinalabas pang may natagpuang shabu sa kaniyang katawan.
Habang ang kaniyang misis na kasama niya noong mga oras na siya’y hinuli ng mga pulis Hilltop, pinilit na pahanapin ng pera ng gabing iyon upang makalaya ang asawa.
Subalit ang siste, sapilitang isinama ni PO2 Michael Moratillo sa isang resort motel sa Taytay, Rizal at ginahasa.
Sa kasong ito, ultimong mga kabaro nilang pulis mula sa Camp Crame, kinakitaan ng galit sa ginawang kabulastugan ng mga pulis ng mga bagitong pulis ng Hilltop na nasa likod ng Hulidap na ito.
Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas, hindi pa man limot ni Juan Dela Cruz ang kaso ng Hulidap sa Hilltop Police, isa na namang parehong kaso ang inilapit sa aming tanggapan.
Ang mismong hepe ng isang departamento ng Hilltop Police na isang police major ang siya naman ngayong pasimuno ng kalokohan.
Ang mga biktima, mag-asawang nagtitinda ng barbecue sa kalsada. Sa turo ng isang asset, puwersahang ipinasok sa isang sasakyang van ang lalaki.
Subalit hindi naman ito ikinulong at sa loob ng isang linggo, ginawa itong tsimoy sa loob ng presinto. Habang ang kaniyang misis, inaaswang na ni Major.
Pilit pinagawan ng paraan upang makapagbayad ng pera kapalit ng kalayaan ng kaniyang asawa.
Subalit dahil P4,000 lamang ang nakuhang pera ng ginang, ginahasa ni major sa loob ng kanyang tanggapan kahit ito’y apat na buwang nagdadalantao na.
Sa dalawang kasong ito, pareho ang mga naging eksena. Ang mga superior o matataas na opisyal ng mga inirereklamong pulis, ipinakiusap na ihaharap sa BITAG nang walang camera.
Sa umpisa, nagbibigay daan ang BITAG bilang respeto sa tanggapan ng pulisyang aming pinasok.
Subalit kung ang intensiyon ay itago ang katotohanan sa publiko, na kung tutuusin, malinaw ang mga ebidensiyang nagsasabing nangyari ang krimen, dito pumapalag ang BITAG…
Abangan ang huling bahagi…
- Latest
- Trending