NATATAWA ako nang kapanayamin sa telebisyon si Claire dela Fuente, presidente ng Metro Manila Bus Operators Association.
Sabi niya, hindi raw welga ng bus ang nangyari kamakailan sa EDSA kundi na-late lang daw ng dating ang mga bus drivers at wala silang cellphone para kontakin.
Anoh? Nagkasabaysabay ang pag-aabsent ng mga driver ng bus kaya walang masakyan ang libu-libong pasahero sa EDSA na ang karamihan ay nagtatrabaho kung hindi man mga estudyante! Mahirap yatang paniwalaan iyan Ms. Claire.
Ang suma total ng pangyayaring ito, naapektuhan nang malaki ang takbo ng negosyo lalu na sa Quezon City, Makati, Greenhills at iba pa! Pati mga paaralan sa QC ay napilitang magsuspinde ng klase dahil sa pangyayari. In terms of pesos, mahirap marahil i-compute ang nawala pero nakasisiguro tayong malaking halaga iyan.
Tinututulan ng mga bus operators ang pagpapatupad ng Metro Manila Commission sa number coding scheme na ang layunin ay ibsan ang pagsisikip ng trapiko sa EDSA.
Mahirap tanggaping hindi ito welga. Mas matindi ito sa welga dahil ang mga strikers ay nag-aabiso, pero sa nangyari’y walang ka-warning-warning. Lighting strike ang nangyari.
Oo nga naman. Dahil sa ginawa ng mga operators, naramdaman ang matinding pangangailangan ng bansa para sa mga bus. Wala namang tumututol diyan. Sa dinami-dami ng mga manlalakbay na nagtatrabaho at nag-aaral, kulang ang mga public transport kahit may MRT pa para mag-serbisyo.
Pero ang magsagawa ng padalus-dalos na pasya para isabotahe ang galaw ng mga tao ay isang matin-ding kataksilan sa sinumpaan ng mga bus operators na magsilbi sa mga mananakay.
Hindi lisensya ang kanilang prankisa para gawin kahit na ano. Dapat talagang gumamit ng kamay na bakal ang LTO at suspendihin ang mga nag-participate sa illegal na welgang nangyari kamakalawa.