Pagbenta ng laman nagiging literal na

NAKAKAKILABOT ang ulat ng Asia Against Child Trafficking. Pati bata na raw ay ginagamit nang “donor” ng kidney o bato sa mayayamang hindi kadugong pasyente. Ibig sabihin, ani AACT regional director Dr. Amihan Abueva, literal na ikinakalakal na ang laman -- ng mga menor de edad.

Bawal ang pagbenta ng organs -- bato, atay, mata o ano pa, patay man o buhay. Itinuturing itong immoral sa lipunan at unethical sa propesyon ng medisina. Ngunit merong mga mahihirap na nagbebenta ng isa sa dalawang kidneys para lang magka-P30,000 hanggang P50,000. Napaulat nu’ng nakaraang dekada na mahigit walo ang naging bayarang kidney donors sa isang squatter area sa Bacood, Sta. Mesa, Manila.

Mabilisan, palihim, at putol-contact agad ang transaksiyon sa pagbenta ng bato. Hindi alam ng bayarang donor na kapag bumigay ang kaisa-isang natitirang kidney niya -- dahil sa normal na maalat at ma-selitre na pagkaing Pilipino, o kaya’y malakas na pag-inom ng alak -- wala na siyang fallback. Hindi rin niya alam na maaring maging sakitin sila at madaling mapagod, depende sa kundisyon nu’ng tanggalan ng bato at pagkatapos, lalo na’t hindi na siya ineeksamen ng transplant doctor at tumalilis na ang pasyente.

Mas malala na ang nagaganap ngayon. Isinalaysay ni Dr. Abueva ang sinapit ng dalawang 16-na-taon gulang na lalaking ni-recruit para mag-organ donor sa di-matiyak na presyo. ‘Yung una, ni hindi inusisa ng mga awtoridad sa ospital kung ano ang edad. ‘Yung ikalawa, umamin na ginawa niyang magbenta ng bato para tulungan ang ina na makapagtayo ng sari-sari store.

Tinitingnan ni Dr. Abueva ang malaking posibilidad ng mga anak ng mga nagbenta ng bato na maengganyong magbenta rin. Quick cash, ika nga.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments