'I love you Gah!' (huling bahagi)
NUNG LUNES, naisulat ko ang istorya ng dalawang kasambahay na nakulong sa Eastwood, Police Station Libis, Bagumbayan Quezon City.
Sila ay sina Ailyn Cabulit, 25 anyos at Mariel Mangrubang 21 taong gulang.
Nagpunta sa aming tanggapan ang magulang ni Ailyn na sina Erlinda at Alejandro Cabulit. Sinabi nila na biktima ang kanyang anak ng Dugo-Dugo Gang.
Sinampahan sila ng kasong ‘Qualified Theft’ ng amo nitong si Juliet Fabella.
Ika-31 ng Mayo nakatanggap ng tawag sa landline si Mariel. Nagpakilala itong si Juliet, kanyang amo. Kailangan daw niya ng pera dahil nakasagasa ito ng bata. Pinahanap kay Mariel ang pera sa kwarto. Inutos sa kanya na ilagay sa garbage bag, balutin ng ‘packing tape’ at dalhin sa Lung Center.
Hinalughog ni Mariel ang kwarto. Nahanap niya ang mahigit sa Php200,000. Matapos balutin ang pera lumabas siya ng bahay. Pagdating sa ‘main gate’ ng ‘subdivision’ hinarang siya ng ‘lady guard’ na si Maritess Trinidad.
Naisulat ko na rin ang mga ibinigay na salaysay (‘affidavit of arrest’) ni Maritess at ng kanyang OIC na si Reynald Kabigting.
Hindi nila pinalabas itong si Mariel kahit meron mga tumawag at hinold nila ito.
Maya-maya dumating si Ailyn at sinabing huwag ng palabasin si Mariel. Pinababalik na umano sila ng amo. Lalong pinagdudahan ni Reynald ang kilos ng dalawa kaya hindi sila pumayag. Dinala niya ang dalawa sa ‘security office’.
Pinapuntahan ng OIC ang bahay nila Juliet kay SG Ramil Guarino. Pagdating dun naabutan niya si Ryan, anak ni Juliet. Tinanong niya kung may pinapalabas bang pera ang kanyang ina. Tinanggi naman ito ni Ryan. Wala daw pahintulot ito.
Tinawagan ni Ryan ang ina. Lumipas ang isang oras dumating sa security office si Juliet.
Ayon sa ‘sinumpaang salaysay’ ni Juliet, naabutan niya sina Ailyn at Mariel at ang ang itim na garbage bag sa security office. Tinignan niya ang laman at nakita niya ang pera na naka-‘bundle’ pa ng maigi.
Nagpunta siya sa kanilang bahay kasama ang dalawang guard. Sira daw ang pintuan ng ‘masters bedroom. Nakabukas din ang isang maliit na bintana sa likuran nito. Wala rin umano sa cabinet ang kanyang pera at alahas.
Bumalik siya sa security office at inabutan niya na tinatanong na ng pulis ang dalawa. Hindi naman ito pinaniwalaan ng amo. Paiba-iba raw ang kanilang ‘statements’. Paliwanag niya hindi man lang pinaalam ng dalawa ang nangyari gayung nandun naman sa bahay ang kanyang anak.. Hindi rin daw siya nagkulang ng paalala na mag-ingat sa ganitong ‘modus operandi’.
Narecover ng mga gwardiya ang Php 207,820.00. Subalit nawawala umano ang Php 41,000, mga alahas na ‘white gold ring’ na may 1.2 Karat na Diamond na nagkakahalagang Php 290,000 at Rolex Gold with Diamond ‘worth’ Php 230,000. Aabot daw ito sa halanga Php 561,000.
Ang tingin ni Juliet, sinadya ng dalawa na magnakaw dahil hanggang Hulyo na lang ang kontrata ng mga ito.
Dagdag nito, may relasyon daw ang dalawa. Si Ailyn daw ay tomboy at inamin ng dalawang limang buwan na silang magkarelasyon. Hinala umano niya, kailangan nila Mariel ng pera para sa pagsasama nila.
Katibayan nito ay ang ‘love letter’ ni Mariel kay Ailyn. Ito ang ilang linya na nilalaman ng sulat.
“Gah, isa lang ang gusto ko ang makapagsarili para tahimik na tayo... Mamaya baba ka andito naman si Sir, matutulog yun ng maaga... Mahal na mahal kita! Sana maging masaya ang pagsasama natin… Sana gah,. wag ka maniwala sa sinasabi ni mam dahil nagseselos lang yon dahil wala na akong pagpapahalaga sa kanya. Ibubuhos ko na sa’yo ang pagmamahal ko, wala na akong gana sa kanya. Kahit anong gawin niya hindi na niya ako makukuha. I LOVE U GAH!”
Depensa naman nila Ailyn, nagkatuwaan lang daw sila. Gumagawa sila ng sulat para libangin ang sarili lalo na pag nalulungkot.
Reklamo ni Erlinda, inutusan daw ni Juliet ang mga gwardiya na hubaran ang kanilang anak. Maging sa maseselang bahagi nila tiningnan rin. Pinabukaka umano si Ailyn sa harap ng maraming tao at dinukot ang ari dahil baka umano may nakatago dun na kwintas.
“Gumaganti lang ang amo niya dahil noong ika-29 ng Mayo sinundo ko ang anak ko. Nagtext kasi si Ailyn na hindi na niya kaya ang pagmamaltrato ng amo niya. Hirap na daw siya. Nagpasama ako sa tanod. Dun nagsimula ang galit niya dahil napahiya siya. Kaya ginawan niya ng istoryang pagnanakaw ang anak ko”, sabi ni Erlinda.
Hindi daw pinayagan ni Juliet si Ailyn na sumama kay Erlinda dahil may utang daw itong Php19,000. Kailangan pa nitong magsilbi sa kanila hanggang buwan ng Hunyo para mabayaran ito.
“Pakiramdam niya siguro na iskandalo siya nung binabawi ko na ang anak ko dahil Mayor ang kanyang asawa at parang nilusob namin ng mga tanod ang kanilang bahay. Kahihiyan nga naman yun. Sana matulungan niyo ang anak ko. Wala siyang ninanakaw. Biktima lang sila”, sabi ni Erlinda.
Itinampok namin ang istorya ni Ailyn sa aming programa, Hustisya Para Sa Lahat sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Inirefer namin si Erlinda sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa tanggapan ng ‘legal aid department’ upang maasistehan sila sa kanilang kaso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, gusto lamang tanungin ang mga pulis at ang amo nitong dalawang kasambahay kung sila nga ay nagnakaw nung mga ibinibintang sa kanila, sinira nila ang pinto at pati na rin ang cabinet at drawer, bakit hindi na lamang tuluyang tumakas ang mga ito. Sa ginawa nilang yun hindi ba’t sila rin ang unang mapagbibintangan. Bakit maiiwan pa sila?
Isang masusing imbestigasyon ang kailangan dahil hindi naman kumpleto ang mga detalyeng naibigay sa amin. Sino yung tumawag nung hawak itong si Ailyn ng mga gwardya? Kanino yung land line na ibinigay para tawagan?
Maliwanag din na ginawa umano ito ng dalawang kasambahay, ayon sa kanila, dahil gusto nilang tulungan ang kanilang ma’m na nakaaksidente.
Isa lamang ang pakiusap ko sa amo ng mga ito. Mrs. Fabella, dun lamang tayo sa totoong nawala sa inyo! Huwag na natin dagdagan ang kaso.
Nung masita itong kasambahay pera lamang ang nakitang dala na nakalagay sa ‘trash bag’ at nakabalot. Walang relo o singsing na diamante.
Maaring sadyang madaling lansihin itong mga ito at nagkulang sa ano ang tamang diskarte.
Ayos na ayos nga ang ‘affidavit’ mo dahil nakasulat dun na hindi ka nagkulang sa paalala sa kanila tungkol sa iba’t-ibang modus ng mga masasama at mapagsamantalang tao! (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address [email protected]
- Latest
- Trending