Giyera sa korapsyon
KA-CHAT ko sa facebook ang kaibigan kong si Grace Rebano Yllana na ngayo’y matagal nang naninirahan sa Cincinnati, USA. Dati siyang TV personality at kolumnista sa diyaryo noong dekada 70 dito sa ating bansa. Napag-usapan namin ang malaon nang pakikibaka ng bansa laban sa graft and corruption sa pamahalaan.
Napapanahong paksa dahil sa nakaraang maraming taon, ang malaking porsyento ng pondo sa kaban ng bayan ay nabubuslo sa katiwalian ng ilang public officials. Ilang salinlahi na ng administrasyon ang lumabas-masok pero naririyan pa rin ang problema.
Ani Grace hindi dapat bigyan ng blanket authority sa sino mang public officials kasama na ang Pangulo sa tinatawag na intelligence fund. Ito’y budget na lubusang nasa disposisyon ng mga opisyal na hindi sumasailalim sa auditing. Malayang gugulin wika nga sa ano mang dahilan, kahit personal.
Sabi ni Grace, dahil walang auditing, ang salapi ay naipupuslit sa ibang bansa, dumaraan sa money laundering at nagagamit sa pansariling layunin.
Komo matagal na sa US si Grace, sabi niya ang US ay may sinumpaang tungkulin sa mga mamamayang nagbabayad ng buwis: Tiyaking ang mga ayudang salapi at pangseguridad na ipinadadala sa Pilipinas ay hindi maisilid sa bulsa ng mga gahamang leader.
Kung patuloy na iiral ang katiwalian sa bansa, may katuwiran nga namang mag-aklas ang mamamayan lalu pa’t hindi malutas-lutas ang problema sa kahirapan. Ang desperadong mamamayan aniya ay hindi mangingiming gumawa ng karahasan. Ang tanging paraan para pawiin ang rebelyon at terorismo ay ang bigyan ng pag-asa ang taumbayan para mabuhay.
Ilang buwan pa lang naman si Presidente Aquino kaya maaga pa para siya husgahan. Sana nga’y maimplementa niya ang adhikain patungo sa “daang-matuwid.”
- Latest
- Trending