Editoryal - Itinaas na naman ang lahing Pinoy
PINASIKAT na naman ni world boxing champion Manny Pacquiao ang mga Pilipino. Iniangat na naman niya sa paningin ng dayuhan ang lahing kayumanggi. Ipinakita niya sa mundo na matibay at matatag ang lahing Pilipino. Hindi sumusuko sa laban.
Kahapon, nag-ukit na naman sa kasaysayan ng boksing si Pacquiao nang talunin si Antonio Margarito ng Mexico. Bagama’t hindi niya napabagsak ang matangkad na kalaban, kitang-kita naman kung paano niya ito pinaulanan ng suntok. Halos magsara ang mga mata ni Margarito sa dami ng suntok na natanggap. Nagkaroon ng sugat sa kanang pisgi at halatang nasasaktan sa bawat suntok na pawalan ni Pacquiao.
David at Goliath kung ihahambing ang dalawa. Pero napatunayan ni Pacquiao na kahit maliit siya, kaya niyang ipagtanggol ang sarili. Kahit na mahaba ang mga kamay ni Margarito, hindi iyon naging hadlang kay Pacquiao para atakehin at paulanan ito ng suntok. Sa isang suntok na pinakakawalan ni Margarito, limang suntok ang iginaganti ni Pacquiao. Narindi si Margarito at tila hindi niya malaman kung saan nanggaling ang suntok ni Pacquiao.
Si Pacquiao ang tanging boksingero na may iba’t ibang title. Ang kanyang laban kay Margarito ang ika-8 title. Kung may susunod pa, si Pacquiao lamang ang makasasagot. Maraming nagsasabi na hindi pa pana-hon para magretiro ang pambansang kamao. Marami pa raw itong karangalan na ihahandog sa bansa.
Sa bawat laban ni Pacquiao ay tumitigil ang inog ng mundo sa mga Pilipino. Kahapon ay walang trapik. Mula Monumento hanggang Makati ay 20 minuto lamang nilakbay. Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP) walang naganap na krimen kahapon. Wala ring sagupaan na naganap sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at ng mga New People’s Army at Muslim rebels. Ibinaba ang kani-kanilang sandata. Tahimik na tahimik at lahat ay nakapako ang tingin sa telebisyon para abangan ang pakikipaghamok ni Pacquiao.
Hindi binigo ni Pacquiao ang mga Pilipino. Muli niyang ipinakita ang angking husay at talino sa pakikipaglaban.
Saludo kami sa iyong husay, Pacquiao. Hanggang sa susunod mong laban. Hanggang sa muli mong pagbabandila ng lahing Pinoy.
- Latest
- Trending