Balik-jueteng

MANGIYAK-NGIYAK si Pangasinan Gov. Amado Espino habang pinabubulaanan na hindi siya sangkot sa jueteng. Ipinatawag kasi si Espino ng Senado matapos ibulgar ni dating Pangasinan Arch. Oscar Cruz na isa siya sa mga opisyales ng gobyerno na sangkot sa jueteng. Habang namumula ang mga mata, tahasang sinabi ni Espino na ang pamilya niya at kamag-anak ay apektado na rin sa jueteng isyu ni Cruz. Si Espino ang isinisigaw ng mga kubrador at table managers na management ng jueteng sa Pangasinan noon. Ang kakutsaba niya ay si Mayor Orduna at ang bagman nila ay si Alyas Boy Bata. Pero mukhang si Espino lang ang hindi nakaaalam na sumasawsaw na pala siya sa jueteng. Kaya’t kahit umiyak man siya nang umiyak sa Senate hearing, marami sa mga parukyano ng jueteng ang hindi sumimpatiya sa kanya. Mabuti hindi siya na-“Alright” ni Sen. Gregorio Honasan. Sina Espino at Honasan ay kapwa graduate ng Philippine Military Academy (PMA). Ang “Alright” sa PMA ay ibig sabihin totoo ang sinasabi mo. Kung na-“Alright” ni Honasan si Espino, tiyak magkakagulo.

Subalit nitong nagdaang mga araw, nakangiti na si Espino. May nagsumbong sa akin na bumalik na naman ang jueteng sa Pangasinan. Baka hindi pa rin ito alam ni Espino? Para sa kaalaman ni Espino, gerilya operation ang jueteng sa probinsiya niya. Ang management sa mga bayan ng Umingan at Asingan ay si Marlon Nuarin; si Adolfo Fernandez naman ang sa Sta. Barbara at Calasiao; si Bong Cayabyab sa San Carlos City at si Teddy Salvador sa Mapandan. Tatlong beses magbola ng jueteng sa mga nabanggit na lugar. Ewan ko lang kung ano ang papel ni Boy Bata sa pagsulputan ng jueteng sa Pangasinan. Ano kaya ang masasabi ni Cruz dito? Kapag tumahimik si Cruz sa pagbubukas ng jueteng sa Pangasinan, tiyak kakalat ang tsismis na “on the take” na rin siya. Gagastos daw ng P1 milyon ang jueteng financiers para manahimik na si Cruz. Amen!

Sa pagbalik ng jueteng sa Pangasinan, ang unang tatamaan ay si PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo. May “one-strike” policy na pinaiiral si Bacalzo at kapag hindi niya ikinumpas ang kamay, ibig bang sabihin “moro-moro” lang ito? At bakit parang hindi takot si PRO1 director Chief Supt. Orlando Mabutas sa “one-strike” policy ni Bacalzo? Kung sabagay, si Mabutas ay magreretiro na sa Disyembre kaya siguro nagmamadali siyang mag-ipon ng baon. Sa totoo lang, halos 20 heneral ang nag-apply na bilang kapalit ni Mabutas. Isang lameduck officer si Mabutas at walang maasahang tibay sa kanya kung ang gerilyang jueteng sa Pangasinan ang pag-uusapan. Kung nakatawa si Espino sa ngayon, tiyak ganundin si Mabutas.

Abangan.

Show comments