Tsamba lang
WALANG kahirap-hirap na nasakote ng Parañaque police ang dalawa sa anim na miyembro ng Bundol Gang sa Parañaque City. Inaantok umano ang driver ng karnap na Mitsubishi Montero Sports (NSI-671) kaya sumalpok sa poste. Agad nagreponde ang Skyway Patrol Group upang saklolohan ang mga sugatan subalit nagpulasan ang mga suspek. Naiwan sina Felimon Borillo, 29, at Jeffrey Martinez, 25, taga-Pasay City.
Dinala ang mga ito sa ospital at binantayan ng sangkaterbang pulis para hindi makatakas. Abot-langit ang ngiti ng mga pulis dahil madali na nilang makikilala ang mga kasamahan ng dalawa sa pamamagitan ng pag-ipit este interogasyon. Dahil sa tsamba, singbilis ng kidlat na nagtungo si NCRPO director Chief Supt. Nicanor Bartolome sa tanggapan ni SSupt. Alfredo Valdez upang tiyaking ligtas ang dalawa at upang makakuha na rin ng mga detalye sa modus operandi ng grupo.
Kahit kumpirmadong karnap ang sasakyan at may dalawang shotgun na nakuha kina Borillo at Martinez, todo tanggi pa rin ang mga ito sa grupo. Lumalabas sa pag-iimbestiga na ang Mitrsubishi Montero Sports ay pag-aari ng pamilya San Diego na puwersahang inagaw ng grupo habang binabagtas ang C-5 Road, Barangay Ugong Norte, Pasig City. Pagkaraang limasin ang dalang salapi’t alahas ng mga biktima ay isa-isang ibinaba ng mga ito. Unang ibinaba si Krizia sa may Pedro Gil, Street, Manila at ang mga magulang naman ay inibandona sa Parañaque City. Inalarma ang naturang sasakyan kaya tulung-tulong ang puwersa ng PNP.
Natsambahan sina Borillo at Martinez dahil sa isang aksidente. Kaya ang matunog na ugong sa aking mga nakausap, kulang pa ang Intillegence ng PNP para manmanan ang mga kriminal sa kapaligiran.
Sana ang pangyayaring ito ay magsilbing eyeopener sa mga pulis para palakasin ang kanilang intelligence upang protektahan ang sambayanan. Antabayanan ang tunay na trabaho ng mga pulis, upang mabura sa isipan ng mamamayan na tsamba-tsamba lang.
- Latest
- Trending