Bilyun-bilyong dolyar ng overseas workers!
AYON sa ulat ng World Bank, $325 bilyon ang pinadala ng overseas workers ng buong mundo sa kani-kanilang mga bansa ngayong taon na ito. Napakalaking halaga! Pang-apat ang Pilipinas sa pinakamataas magpadala ng pera. Nangunguna ang India, sumunod ang China, Mexico, Pilipinas at France. Nagulat ako na panlima ang France na kabilang sa mga bansang maunlad na at miyembro pa ng walong pinakamayayamang bansa sa mundo (G8). Marami rin palang mga French na nagtatrabaho sa ibang bansa at pinadadala pa rin ang kanilang kita sa kaanak.
Maliban sa France, ang apat na bansang binanggit ay kabilang sa mga bansang paunlad pa lang. Patunay na malakas pa rin ang pera na pinadadala ng mga overseas workers, at ganyan pa rin kadami ang nagtatrabaho malayo sa kani-kanilang bansa. Ibig sabihin, hindi pa rin mabigyan ang marami ng trabaho sa sarili nilang mga bansa. Trabaho na sulit o sapat ang sahod para buhayin ang kanilang mga pamilya.
Maganda nga tingnan ang bilang, pero may kapalit ang ganyang kagandang mga datos. Ang mga overseas Filipino workers (OFWs) ay madalas malagay sa panganib saan man sila magtrabaho. Nandyan ang diskriminasyon at pagmamalupit katulad ng nagaganap sa Gitnang Silangan. Nandyan ang kriminalidad katulad ng nagaganap sa Gulf of Aden sa Somalia. At likas ang hirap sa mga bansang ibang-iba ang kultura, at hindi pa masyado nagsasalita ng Ingles. Lahat ito hinaharap at tinatanggap ng OFWs, para lang sa napakahalagang sahod na pinadadala sa bayan. Kaya dapat lang na nakatutok ang gobyerno sa mga pangangailangan ng ating mga “bagong bayani”. Kapag sila ang nangangailangan ng tulong, hindi na dapat pinag-iisipan pa.
Para sa mga OFW, mabuti at medyo umaakyat ang palit ng dolyar sa piso. May mga nagsabi na baka bumagsak ang dolyar sa lebel ng P41 sa pagpasok ng kapaskuhan. Pero may mga nagpapalakas ng konti sa dolyar ngayon, katulad ng humihinang Euro, at ang pagbili ng dolyar dahil sa mahina nga ito. Kaya baka pansamantala lang ang bahagyang pagtaas ng palit, pero sana umakyat pa kahit sa lebel ng P45 para maganda naman ang Pasko!
- Latest
- Trending