MASAYANG-MASAYA si Chief Supt. Roberto Rongavilla nang pirmahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang order na nagtatalaga sa kanya bilang permanenteng District Director ng Manila Police District sa harap ng mga pulis at mamamahayag ng MPD Press Corps. Ang siste, sa dinami-daming kumukontra kay Rongavilla mula sa hanay ng mga inggitirong opisyales ng Philippine National Police eh siya ang pinili ni Lim para pangasiwaan ang buong tropa ng MPD para pangalagaan ang Manileños. Kaya’t sorry na lang sa mga inggitero.
Maituturing na natiyempo lamang ang aming pag-imbita kay Mayor Lim para maging ninong sa blessing ng aming bagong renovated na tanggapan kaya maging si Rongavilla ay nakatikim ng grasya.
Noong una halos hindi mapakali si Rongavilla dahil nairita si Lim sa kawalan ng checkpoint sa magdamag at ang pag-atake ng mga kabataang myembro ng estribo gang sa kahabaan ng Road 10, sa North Harbor, Tondo. At lalo pang kinabahan sina Rongavilla, DDA SSupt. Alex Guttierez, DDO SSupt. Fidel Posadas at Chief of Staff SSupt. Robert Po nang basahin ni Lim ang sulat ng mga residente, estudyante, guro at businessmen na palaging biktima ng mga kawatan sa paligid ng Pablo Ocampo (dating Vito Cruz) Malate, Manila.
Kaya ang lahat ay walang kurap na nakinig sa sermon ni Lim at lalong nanlaki ang mga mata ng mga ito ng magpahayag na may nakaambang balasahan sa mga station commanders. Kaya ang lahat ay nangako kay Lim na gagawin nila ang lahat upang sawatahin ang mga salot sa Maynila. Kaagad nagbuo ng plano sina Rongavilla at kanyang mga tauhan bilang pagsunod sa kautusan ni Lim. Isa ako sa inimbitahan na samahan sila sa itatalagang check point sa lahat ng sulok ng Maynila at ang pag-saturation drive sa mga pinaghihinalaang lungga ng mga kriminal.
Kaya ng gabi ring iyon ay kasakasama na kami ni Rongavilla sa pag-iikot sa mga checkpoint na kung saan maraming sasakyan ang nasita dahil sa “No Plate No Travel” at ang ilan pa nga sa mga ito ay kinasuhan matapos na mapatunayang paso na ang mga rehistro at ang ilan ay walang lisensiya.
Nang sumapit ang alas kuwatro ng madaling araw nabigla kami nang dumating si Lim sa Malate at sumama sa saturation drive ng MPD at hindi pa nakuntento, sumama pa ito sa Road 10/ Lakandula, Tondo, kung saan mahigit 200 kalalakihan ang nahuli sa naturang operasyon. Ngunit hindi lahat ng kalalakihan ay dinala sa presinto dahil ang ilang may trabaho at may Identification card ay pinawalan. Gen. Rongavilla, Sir, hindi na biro ang kautusan ni Mayor Lim kaya huwag kang patumpik- tumpik upang ang pagtitiwala niya’y hindi maglaho. Abangan!