Editoryal - Pigilan ang dila
KAPAG hindi raw hinihingi ang opinion mo, huwag kang magsasalita. Pag-aralan na mapigilan ang dila sapagkat kapag nadulas, maaari kang mapahamak. Mas maganda pa nga raw na madulas ka at mabalian ng buto kaysa ang dila ang madulas sapagkat hindi na maaaring maibalik ang nasira. Tila ganito ang nangyari sa speechwriter ni President Noynoy Aquino na si Mai Mislang. Masyadong naging madulas ang dila ni Mislang at kung anu-anong remarks na nakadidismaya ang inilagay niya sa kanyang Twitter account patungkol sa mga taga-Vietnam. Si Mislang ay kasama sa grupo ni Aquino nang magsagawa ng state visit sa Vietnam noong nakaraang linggo. Nakasama rin si Mislang sa unang US trip ni Aquino.
Marami ang bumatikos kay Mislang sa kanyang mga inilagay sa Tweeter. Una, sinabi niyang ang alak na sinilbi nang mag-toast si Aquino at Vietnamese President Nguyen Minh Triet ay “maasim”. At sinundan pa ang kanyang mapanlait na remarks nang sabihin na “walang magandang lalaki” sa Vietnam. At may kasunod pa. Sabi pa niya, “ang pagtawid sa kalsada sa Vietnam ang isang pinakamadaling paraan para mamatay.”
Walang nakasaad na dahilan kung bakit nakapagbitiw ng mga ganoong pananalita si Mislang. Wala naman daw kumukuha ng opinion niya kaugnay sa mga naranasan sa Vietnam. Nakarating sa kanyang mga boss ang ginawa ni Mislang at agad namang nag-sorry sa ginawa. Inalis na rin ang kanyang account sa Twitter at Facebook.
Mabuti na lang at hindi humirit ang mga Vietnamese na humingi ng paumanhin si Mislang sa ginawa nito. Nakakainsulto ang ginawa niya. Kahit na totoong maasim ang alak, walang pogi sa Vietnam at delikado ang tumawid sa kalsada roon, hindi na sana niya ito ibinando pa sa mundo.
Kapag ang mga Pinoy naman ang nilait-lait at sinabihan ng kung anu-ano, mabilis pa sa alas-kuwatro na nagrereklamo. Gaya noong sabihin ng American actress na si Claire Danes na marumi at maraming ipis at daga sa Maynila, aba dineklara agad na persona-non-grata ang actress. Marami agad ang napikon. Di ba totoo namang maraming daga at ipis sa Maynila.
Pasalamat si Mislang at hindi balat-sibuyas ang mga Vietnamese kung hindi…
- Latest
- Trending