Malikot na pag-iisip
MAY mga oras na medyo malikot ang pag-iisip ng tao. Hindi naman sinasadya, pero dahil sa mga pangyayari sa kanyang paligid, umaandar na lang ng kusa ang utak at kung anu-ano ang iniisip. Pinalabas ang pelikulang “2012” sa HBO noong nakaraang linggo. Ito ang kuwento ng taon na ayon sa mga Mayan, ay magtatapos na ang mundo. Ang sine ay ang interprertasyon lamang ng Hollywood, at baka may maniwala naman diyan! Hindi ko napanood ito sa sinehan nung ipalabas, kaya pagkakataon ko nang panoorin, bago na rin ako bumalik sa trabaho ngayong Lunes. Baka wala na akong pagkakataon gawin ito sa mga darating na buwan, o taon!
Dahil umano sa isang matinding “solar flare” mula sa ating araw, uminit nang husto – kumukulo pa nga – ang pinaka-sentro ng mundo. At dahil dito, nagbago ang temperatura ng lupa, na naging dahilan ng pagbago ng hugis ng lupa. Karamihan ay tila nalusaw nga ang lupa, nagputukan ang mga bulkan, lumindol nang husto, at kumilos nang malaki ang mga kalupaan, na naging dahilan din ng mga matitinding tsunami o tidal wave na umanod sa mga bansa! Siyempre, ang mga special effects ng sine na lang ang mas magandang magsilarawan ng mga sinasabi ko. Sa madaling salita, nagbago ang anyo ng buong mundo. Bumaliktad pa nga ang lokasyon ng mga ibang bansa. Halimbawa ay tumaas nang husto ang Africa, kaya hindi inabot ng matinding paglubog sa dagat. Doon nagpuntahan yung mga ligtas sa delubyong dulot ng mga tidal wave.
Kelan lang ay lumindol sa Bicol nang malakas, sabay buga ng abo ng bulkang Bulusan. Umaandar na ba mga utak ninyo? Iyon ang sinasabi ko. Minsan, kahit ayaw mo naman mag-isip ng ganyan, dahil may napanood ka o may nakapagsabi sa iyo ng ganito o ganun, mag-iisip ka rin, di ba? Hindi pa masabi ng Phivolcs kung may kaugnayan ang pagbuga ng abo ng bulkan sa malakas na lindol na naganap sa Bicol. Pero ganun pa man, tinaas na sa unang alert level ang lugar. Huwag naman sanang mag-alburuto nang husto ang Bulusan, na huling pumutok noong Oktubre ng 2007. Aktibo naman ang bulkan kaya hindi matutulad sa Mt. Pinatubo na limang siglo ang binilang bago pumutok noong 1991! Lumindol nang malakas rin nung 1990 bago pumutok ang Pinatubo. Baka may kaugnayan nga ang lindol sa pagiging aktibo ng bulkan. Kapag umuurong ang lupa, may epekto sa paglabas ng abo ng bulkan.
Huwag na kayong masyadong mag-isisp. Total, 2010 pa lang naman, at hindi 2012!
- Latest
- Trending