Ang patay na tao ay wala nang buhay
tulad ng anak kong maagang pumanaw;
Siya ang pangalwa sa aking panganay;
nabinyagan Siya sa pangalang ‘Tagumpay’!
Itong si Tagumpay nang anim buwan na
ay biglang kinuha ng Poong Dakila;
Naiwan sa amin ay tanging gunita –
kaya ang pamilya’y laging lumuluha!
Ngayong kasama S’ya ng Diyos sa langit
isa na S’yang anghel – anghel na mabait
Sa Kanyang lapida doo’y itinitik:
“Take This Child, O Lord And Let Us Weep’!
Kaya kung wala man itong si Tagumpay
siya ang Kerubin na tagasubaybay;
Mabait na anghel sa loob ng bahay
kaya kaming lahat payapa ang buhay!
Naglaho man Siya’y lagi naming hangad
sana’y lumaki Siyang buhay at malakas;
Nang sanggol ka pa ay malaki ang bulas
kung buhay Ka ngayon – pag-asa ng bukas!
Noong sanggol Ka pa sa munti mong duyan
maligaya kaming Ika’y minamasdan;
Kaya kaming lahat kung umiiyak man –
sa aming gunita ay lagi Kang buhay!
Dahil sanggol Ka pa nang Ika’y umalis
kaming naiwan Mo’y laging nagtitiis;
Kaming magulang mo at mga kapatid
kasama Kang laging sa puso at isip!
Marahil kung kaya Ikaw ay nawala
kaiba ang misyong bigay ni Bathala;
Ginawa Kang anghel – mabait na bata’t
dalhin ang pamilya sa bayang sagana!
Marami ng sanggol katulad Mo ngayon
maagang naglaho sa mundong paurong;
Pasalamat kami – ang tangi Mong misyon –
subaybayan kami sa habang panahon!