'Me stone sa urinary bladder kaya ako?'

Magandang araw po Dr. Elicaño. Ako po ay 50 anyos at empleado sa isang private company. Gusto ko po lamang kunin ang payo ninyo kaugnay sa nararamdaman kong pananakit ng puson at nahihirapan akong umihi. Masakit na masakit po kapag ako ay umiihi. At minsan, napansin kong may kasamang dugo ang aking ihi. Hindi po kaya mayroon akong stones sa urinary bladder? Ano po ba ang dahilan at nagkakaroon nito? Ano po ang signs na may stones sa urinary bladder?

— Abner Orcasitas, Biak-na-Bato, Quezon City

Makabubuting magpa-chekup ka sa doktor para matiyak kung meron kang stones sa urinary bladder. Hindi uubra ang hula-hula lang. Nagkakaroon ng stones sa urinary bladder dahil sa bladder infections at ang pagkakaroon ng gout andthyroid disorders. Dahilan din ang pagkakaroon ng pinsala sa pantog at dehydration. 

Ang sintomas nang pagkakaroon ng bladder stones ay pamamaga ng bladder mismo, masakit na pag-ihi, pagkaramdam na maiihi subalit kakaunti naman o halos walang inilalabas, pagkakaroon ng dugo sa ihi, makadarama ng pananakit ng puson at lagnat. 

Ipina­payo sa mga may bladder stones ang pag-inom nang maraming tubig. Dapat ding mag-adjust sa kanilang diet ang may bladder stones. Agapan ang paggamot sa bladder infection upang mahadlangan ang pagbubuo ng stones. 

Kapag ang mga stone ay nabuo na at masyadong malaki para sumama sa ihi, operasyon ang kailangan dito at isasagawa sa dalawang paraan, ang lithoplaxy at lithotomy. Sa lithoplaxy, lalagyan ng instrument ang bladder na padadaanin sa urethra. Babasagin nito ang stone sa maliliit na piraso para mailabas. Sa lithotomy, ito direktang pag-aalis ng stones sa pamamagitan ng incision. Kung mayroong infection, maaaring i-prescribed ang antibiotics at mga gamot na magpapabago sa acidity ng ihi.

Show comments