S A susunod na Linggo (Nobyembre 14) ay laban nina Manny Pacquiao at Antonio Margarito. Ngayon pa lamang ay marami nang bibiyahe sa US para saksihan ang laban. At kabilang sa mga bibiyahe ay ang mga opisyal ng pamahalaan at congressmen. Laging ganyan ang senaryo na kapag may laban si Pacman, bibiyahe ang mga congressmen para manood ng laban. Sa nakaraang administrasyon, sandamukal ang mga government official at congressmen na bumibiyahe. Kahit na noon ay sinasabing nagtitipid ang gobyerno ni dating President Arroyo, walang makapigil sa mga opisyal at kongresista na bumiyahe.
Noon iyon. Ngayon ay iba na. Mahigpit ang babala ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa congressmen na bibiyahe sa US para manood ng laban. Puwedeng umalis pero sariling pera ang gagastusin. Hindi na maaari ang ginagawa nila sa nakaraan na ang ginagastos ay galing sa buwis ng mamamayan. Bukod sa babalang iyan, ang mga manonood ng laban at mag-aabsent sa session ng Kongreso ay mamarkahang absent. Hindi na hahayaan ang mga nakagawian ng mga congressmen na kapag gustong umalis at manood ng laban ay basta na lang aalis at ang ginagastos pa ay mula sa taxpayers.
Sinabi ni Belmonte na istrikto siya sa pagbibigay ng pahintulot sa mga kongresista sa pagbibiyahe kahit na ito pa ay para sa parliamentary conferences.
Sa mga nakaraang laban ni Pacquiao, may isang pagkakataon na 40 congressmen ang nagtungo sa Las Vegas para manood. At ang ginastos sa kanilang pamasahe at baon ay galing sa buwis ng mamamayan. Habang sarap na sarap sila sa panonood sa tuluy-tuloy ang laban, ang mga taong nagbayad ng buwis ay nagtitiis sa TV na tadtad ng komersiyal. Mula sa buwis na kanilang ibinayad, prenteng-prente ang mga kongresista sa panonood.
Tama lamang ang ginagawang paghihigpit ni Belmonte sa mga miyembro ng House. Dapat nang matigil ang kanilang masamang bisyo na sa bawat pagbibiyahe ay ang buwis ng taumbayan ang kanilang ginagastos. Tama na ang kasibaan.