ISANG Clerk of court ng Municipal Trial Circuit Court (MTCC) ang sinampahan ng harassment and grave misconduct ng 13 empleyado ng kanyang opisina (Office of the Clerk of Court – OCC). Hindi nakapalagayang-loob ng clerk ang 13 empleado. Naghihinala at naiirita siya sa mga ito kaya naaapektuhan ang maayos na pagpapatupad ng tungkulin sa OCC. Sa imbestigasyon ng RTC Executive Judge sa mga nagreklamo laban sa kanya, lumalabas na pinagsisigawan niya ang mga ito bukod pa sa pagbibitiw ng masasakit na salita laban sa kanila. Umabot pa nga raw sa punto na ipinapahiya na sila ng clerk sa publiko samantalang ginagawa naman nila ang kanilang trabaho. Walang maisagot ang clerk sa naging testimonya. Upang makalusot, sinabi lang niya na may masamang motibo lang ang mga tauhan sa ginawang pagrereklamo.
Matapos ang imbestigasyon at kahit pinili pa ng clerk na magretiro na lang nang mas maaga, nagdesisyon pa rin sa kaso ang Executive Judge. Nagkasala raw ang clerk. Hindi raw siya kumilos ng tama at naaayon sa kanyang estado sa ginawa niyang paninigaw, pamamahiya, at pagiging pabigat sa kanyang mga tauhan. Tama ba si Judge?
TAMA. Hindi sapat ang mga paliwanag ng clerk upang maabswelto siya sa kaso. Ang kanyang naging kilos ay hindi akma sa isang empleyado ng korte na inaasahan na magpapakita ng kagandahang asal. Mabigat pa naman ang responsibilidad na kaakibat ng pagiging empleyado ng korte.
Walang puwang ang nakakabuwisit na kilos sa serbisyo publiko. Inaasahan na ang bawat empleyado ay magpapa-sensiya sa lahat ng oras kahit pa pakitaan ng kahambugan ng iba. Higit itong inaasahan sa isang empleyado ng korte dahil kailangan nilang alagaan ang tiwala ng publiko sa hudikatura. Ang patakarang ito ay pinaiiral sa lahat ng kawani ng korte at dapat nilang isaalang-alang hindi lang sa publiko kundi pati na rin sa kanilang mga kaopisina.
Ang mga tauhan ng ating batas ay hindi dapat gumamit ng salitang mapang-abuso, nakakainsulto, nakakaeskandalo, nananakot at hindi tama. Ang mga empleyado ng korte ay inaasahan na magpakita ng respeto sa lahat ng oras, hindi lang sa kanilang mga boss kundi pati na rin sa ibang tao. Ito ang panuntunan upang mapangalagaan ang magandang pangalan at integridad ng hudikatura.
Sa hudikatura, ang isang clerk ay itinuturing na alalay ng kanyang huwes sa paggawa ng isang importanteng tungkulin. Ang mga tungkulin niyang administratibo ay importante sa mabilis at maayos na pagpapatupad ng hustisya. Dapat siyang maging mabuting halimbawa para sa ibang empleyado ng korte. Dapat siyang tularan sa ginagawa niyang tungkulin at sa pagiging mabuting halimbawa ng tamang kilos ng isang empleyadong nagseserbisyo sa publiko. Malinaw na hindi ito nagawa ng clerk. Hindi siya naging mabuting halimbawa na dapat tularan ng kanyang mga tauhan. Mayabang siya at mapagmataas sa mga ito kaya naapektuhan ang kanilang trabaho at tuloy, nakasama sa integridad ng buong opisina ng OCC-MTC.
Kahit sabihin pa na harapan siyang kinalaban at hindi sinunod ng mga tauhan, dapat ay hindi na lang sila pinatulan ng clerk. Pinigil sana niya ang kanyang sarili sa pagpapakita ng parehong kabastusan. Hindi naman makukuha ng clerk ang respeto at pagsunod ng mga tauhan sa pamamagitan ng paggamit ng kamay na bakal sa loob ng opisina.
Hindi nakuhang ipakita ng clerk ang pamantayan na hinihingi ng kanyang posisyon. Dapat siyang panagutin ng “simple misconduct”. Ibig sabihin, sinadya niyang umasta ng hindi tama at magpakita ng mali o hindi akmang kilos sa pakikitungo niya sa kapwa. Nararapat lang na pagmultahin siya ng katumbas sa tatlong buwan niyang suweldo. Ibabawas ang multa sa makukuha niyang benepisyo ngayong siya ay retirado na. (Leyrit et. Al. vs. Solas etc., A.M. P-08-2567 and P-08-2568, October 30, 2009, 604 SCRA 668).