NAKAKASAWA na ang ganitong pangangatwiran. Bumalik na at nahuli kaagad ang numero unong wanted na tao sa bansa, dahil sa kasong kidnapping. Kaya daw bumalik sa bansa, dahil gusto nang linisin ang pangalan. Linisin ang pangalan matapos ang walong taong nagtago sa Italy lang naman. At may sakit na raw kaya gusto nang harapin ang akusasyon sa kanya. May colostomy bag na raw. Isa sa alam kong dahilan ng pagkakaroon ng colostomy bag ay colon cancer, katulad ng nangyari sa nanay ko. Ano kaya ang dahilan ni Fajardo? Balita ko nasa ospital na’t pinagbigyan ng NBI na magpatingin muna bago tuluyang kasuhan. Ang suwerte naman!
Saan ba nakasulat na ang tunay na inosenteng tao ay kailangang magtago muna mula sa batas bago lumantad at magpahayag na inosente? Sa tingin ko naman kung tunay na inosente at malakas ang ebidensiya na magpapatunay nito tulad ng mga alibi, hindi na kailangang magtago, tumakbo sa ibang bansa, o sumuko ng may padrino! Kung sasabihin na kaya bumalik ay sa tingin niya ay mabibigyan siya ng tunay na katarungan sa ilalim ng administrasyon ni President Noynoy Aquino, eh hindi yata maganda ang sinasabi niyan ukol sa Presidente! Hindi malalagay sa numero unong most wanted na tao ang isang indibidwal nang walang sapat na dahilan! At ang ganyang klaseng pag-endorso mula sa numero unong wanted na tao ay hindi kailangan ni Aquino!
Di kaya naubos na ang pera, kung saan man nanggaling ang kanyang mga pinanggagastos sa Italy, kaya wala na siyang magawa kundi bumalik na? At ano ang masasabi ng gobyernong Italyano na sa kanila pala nagtago ang numero unong wanted ng Pilipinas? Wala ba tayong nakuhang tulong mula sa kanila? Hindi ba iyan ang tungkulin ng Interpol, na makipag-ugnayan sa lahat ng gobyerno ukol sa mga wanted na kriminal? Aba, kung hindi siguro nagkasakit si Rolando Fajardo, bumalik pa kaya ito?
Tandaan, na may mga biktima na dapat iniisip kapag naglalantaran ang mga ganitong klaseng mga pugante. Para kasing nawawala na sa eksena at usapan ang mga biktima kapag nagmumukhang-kawawa na ang mga Rolando Fajardo at Anthony Nepomuceno, na pawang mga inosente sa mga inaakusa sa kanila, pero nagtago muna ng isang buwan o walong taon, bago naisip na hinog na ang panahon para sumuko! Hinog? Pinahihinog ba ang pagka-inosente? Bago yata yun ah!