MARAMING nagsasabi na nasa tabi-tabi lang nagtatago si Sen. Panfilo Lacson. Si Justice Secretary Leila de Lima ay nagsabing narito lang si Lacson sa bansa. Hindi raw ito lumalabas ng bansa. Imposible raw makakalabas ng bansa si Lacson.
Sabi naman ng National Bureau of Investigation (NBI), nakatanggap sila ng impormasyon kung nasaan si Lacson pero ito ay kanila pang biniberipika. Maari raw na narito sa Pilipinas at maaari ring nasa ibang bansa. Ayaw namang sabihin ng NBI kung aarestuhin nila si Lacson. Depende raw ito sa mga tauhan nilang nasa field.
Sabi naman ng Philippine National Police (PNP), malaki ang posibilidad na nagtatago sa Bagac, Bataan si Lacson. Naghahanap pa umano ng ebidensiya ang PNP kung may kaugnayan ang dating drayber ni Lacson na si Reynaldo Oximoso na madalas makita sa Bagac. Nagpapatayo raw ng bungalow si Oximoso sa isang barangay doon. Naaresto si Oximoso noong Lunes dahil sa multiple murder na nangyari noong 1984. Sa pagkakaaresto kay Oximoso, maaari raw mapadali ang paghuli kay Lacson.
Alam na pala kung nasaan si Lacson ay kung bakit pinatatagal pa ang pag-aresto sa kanya. Bakit kailangang patagalin pa gayung marami ang naghihintay ng katotohanan sa kasong kinasasangkutan ni Lacson. Nararapat nang matapos ang kontrobersiyal na kasong ito nang matahimik na ang kaluluwa ng mga pinaslang na sina PR man Bubby Dacer at drayber na si Emmanuel Corbito. Sina Dacer at Corbito ay dinukot noong November 24, 2000 ng mga miyembro ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF). Ang PAOCTF ay pinamumunuan ni Lacson na noon ay hepe ng Philippine National Police. Natagpuan ang sunog na bangkay nina Dacer at Corbito sa Cavite.
Sinampahan ng kaso si Lacson kaugnay sa Dacer-Corbito murder pero bago masilbihan ng warrant, nagtago na ang senador. Lumabas ang balitang nasa ibang bansa na si Lacson pero ayon nga sa DOJ, NBI at PNP, narito lang siya. Kung alam o tiyak na ang kinaroroonan ni Lacson, dakmain na siya. Kapag nadakma na si Lacson dapat namang hindi siya makaranas ng pagka-VIP. Walang bail ang kanyang kaso. Kung inaakala naman ni Lacson na wala siyang kasalanan, patunayan niya nang maalis ang dungis sa kanyang kasalanan. Hindi siya dapat tumakbo nang tumakbo.