Sugalan sa peryahan

MARAMI ang naiinggit sa Calabarzon area dahil nag­bukasan na ang sugal-lupa mula nang maupo roon kama­kailan si Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. Kaya’t ang paningin ng mga ilegalista sa ngayon ay nakasentro sa Calabarzon dahil sa pagbukas ng pasugalan doon habang sa Metro Manila naman at sa ibang panig ng bansa ay sarado pa rin. Wala pang go signal mula sa opisina ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo para mag­bukasan ang mga pasugalan sa bansa. Sa pagbukas ba ng pasugalan sa Calabarzon ay nangangahulugan na binabale-wala ni Pagdilao ang liderato ni Bacalzo?

Ang unang nagbukasan sa Calabarzon ay ang palaro na perya. Kung mga joy rides lang sana ang lakad ng mga peryahan, wala namang problema dahil ‘yan talaga ang nakasaad sa mga permit nila. Kaya lang, mayroong mga color games o drop balls ang mga peryahan na kung tingnan mo ang batas ito ay bawal dahil maliwanag na sugal ito. Ang mga peryahan sa ngayon na may color games o drop balls sa Calabarzon area ay makikita malapit sa Puregold sa Imus, Cavite na ang operator ay si Emily. Sa Cavite City ay mayroon ding peryahan at ang operator ay si Egay Lumagui, sa GMA naman ay si Jayson at sa Welcome Rotunda ng Dasmariñas ay si Jessica. Senior Supt. Danny Maligalig, bakit di mo pina­pansin ang programa ni Bacalzo laban sa pasugalan?

Sa Angono, Rizal naman ay may peryahan din at ang operator ay si Alyas Toyang, si Nelma naman sa malapit sa simbahan ng Iglesia ni Cristo sa Cainta at si Josie sa Montalban Highway sa Rodriguez. Senior Supt. Manny Prieto, hepe ng Rizal PNP? ‘Wag tutulog-tulog sa puwesto at baka di ka abutin ng Disyembre dyan? Wala ka bang takot kay Bacalzo?

Ang sinisisi sa biglaang pagbukas ng pasugalan sa mga peryahan sa Calabarzon area ay si Chief Insp. Agcaoile, hepe ng Special Operations Group (SOG) ni Pagdilao. Ayon sa sumbong na nakarating sa akin ito palang si Agcaoile ang kausap ng mga operator ng peryahan. May balak kaya si Agcaoile na ipahiya si Bacalzo sa madlang people sa programa niya tungkol sa pasugalan? Itong pagbukas ba ng sugal-lupa ay senyales na magbubukas din ang pasugalan sa Metro Manila at iba ang sulok ng bansa sa darating na mga araw? Maraming katanungan na sina Bacalzo, Pagdilao at Agcaoile lang ang makasasagot.

Si Agcaoile ang bagman ni Pagdilao mula pa sa Northern Police District (NPD) siya at nang lumipat sa PRO6 sa Western Visayas. Matatandaan na sinibak ni Pagdilao ang dalawang hepe ng pulisya ng Laguna nang mahuli­han sila ng jueteng. Pero yaon pala ay pantakip lang niya sa illegal na aktibidades ni Agcaoile. Dapat sibakin din ni Pagdilao si Agcaoile para mabura ang suspetsa na pera-pera rin pala ang lakad niya. Abangan!

Show comments