BIGLA na namang napasok sa kontrobersya ang administrasyong Aquino. Ito’y matapos na isulat ng presidential speechwriter na si Maria Carmen Mislang sa kanyang twitter account na palpak ang alak na isinilbi sa delegasyon ni Presidente Aquino sa Vietnam. “The wine sucks” aniya. Ito’y modern day idiom para bigyang diin na walang katorya-torya ang inuming inihain sa kanila sa Vietnam.
Pero kapag miyembro ka ng official delegation, dapat mayroon kang diplomasya dahil ang nakataya ay ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa. You have to talk the diplomat’s language. Ang ginawa ni Mislang ay “mis-language.”
Isinulat pa umano ni Mislang na wala siyang nakitang guwapong Vietnamese. Nalaman ko na bata pa pala itong si Mislang. Sabi ng actress na si Rica Peralejo, ka-batch niya sa eskuwela si Mislang. Nasa late twenties lang. Mas radikal palibhasa ang takbo ng utak ng mga kabataan ngayon. Taklesa wika nga.
Sa modernong pananaw kasi, you have to call a spade a spade. Kapag gumamit ka ng diplomasya para masiyahan lang ang kabilang partido, ang tawag sa iyo’y plastic. Katuwiran siguro ni Mislang ay twitter lang yon na kagaya ng facebook ay hindi maituturing na official. Pero official statement man o hindi, ang mensahe sa mga social networking ay nakararating nang mas mabilis sa lahat ng sulok ng mundo. Ano mang sabihin mo lalu pa’t ikaw ay bahagi ng pamahalaan ay makasusugat ng damdamin ng bansang pinatutungkulan mo. Sensitibo ang larangang diplomasya. Maraming digmaan ang nagsimula lamang dahil sa “mis-language” o maling salita.
Marami sa mga opisyales ni P-Noy ay kabataan. Mga miyembro ng generation x dahil pini-face-out na ang mga miyembro ng “baby boomer” na kagaya ko, hehehe.
Ang ginawa ng Malacañang ngayon matapos ang bagong kapalpakan ay sinuspinde ang paggamit ng twitter ng mga palace officials. Hindi ba dapat ang suspendihin ay yung nagkamali?
Anyway nangyari na iyan. Ilan pa kayang on-the-job lessons ang daranasin ng administrasyon bago matuto?