Sa Hudikatura, ginagawang usaping pambayan ang nailathalang panghiram ng ideya na hindi maitanggi ng isang researcher. Kinukwestiyon ang pagtakip dito ng Supreme Court. Isyu ito para sa ilan dahil sa mensaheng iniiwan sa kabataan at sa akademiya na OK lang ang ganitong gawain. Kapag mensahe ang pag-uusapan, mas mahalagang debate ang namumuo sa mas mala-king kagawaran ng Ehekutibo tungkol sa inasal ng isang Presidential Speechwriter sa pagkakataon ng Official State Visit ni PNoy sa Vietnam.
Dapat ba itong magbitiw sa kahihiyang dinulot sa ating Pangulo at sa Bayan ng kanyang hindi magandang isinulat tungkol sa kanilang Host Country? At kung hindi ito kusang magresign, tama ba na ito’y tanggalin sa pwesto? Kapag hindi sinipa, ano ang parusang nararapat sa kanyang pagkakalat?
Sa akin ay hindi isyu ang isinulat nung Speechwriter na miyembro pa man din ng opisyal na delegasyon ni PNoy. Yes, nakakahiya nga. Kung may delikadesa ang bata ay matagal na itong nagbitiw at isinalba ang mga boss niya sa kritisismo. (Hindi nga lasing sa alak tulad ng napapag-usapan – lasing naman sa kapangyarihan.) Pero ito’y pagkakamaling maaring lagpasan. Malayo sa bituka ang epekto, ‘ika nga.
Ang dapat tuunan ng pansin ay ang namumuong paninindigan ni PNoy na pagtakpan ang kanyang mga inilagay sa puwesto, ano man ang magawang pagkakamali. Una na itong naobserbahan sa kaso nina Robredo at Puno, Coloma at Carandang sa Luneta Hostage Crisis at sa mga nagtulong tulong sa pagsulat ng mga Executive Order na pinagpipiyestahan ngayon sa Supreme Court. Maari papurihan si PNoy sa kanyang kakaibang katapatan bilang Boss. Subalit ang mas malaking mensahe dito ay ang pagtalikod sa mataas na pamantayan na inaasahan sa mga nanunungkulan sa pamahalaan. OK lang pala sa Palasyo ang pagkakalat – ka- ya’t OK na rin sa lahat ng lingkod bayan ang i-relax ang kanilang pagiging alerto sa serbisyo.
Akala ng lahat ay mas magiging siryoso ang daang matuwid ni PNoy sa pagtaas ng antas ng paglilingkod, lalo na nung sinibak ng hindi nagdadalawang isip ang tinitingalang si Dr. Prisco Nilo ng PAGASA (weather-weather Dr. Nilo?). Hindi naman pala siryoso. Tulad din ng sa administrasyon ni Gloria M. Arroyo, ang pinakamahalagang kwalipikasyon upang manatili sa puwesto ay hindi galing at talino, hindi sipag at tiyaga. Kailangan lang ay malakas ka sa Palasyo.