ISA sa maituturing na pinaka-delikadong napasok ng BITAG ay ang mundo ng intelligence o intel.
Hindi biro ang humagilap ng first hand information lalo na sa mga grupong kalaban ng lipunan.
Nagsimula ang lahat sa isang sumbong na may kinalaman sa payroll robbery, taong 2008.
Isang asset ang lumapit sa BITAG matapos siyang i-recruit ng grupo ng Waray-Waray Gang upang itimbre ang pagwi-withdraw ng pera ng kaniyang pinapasukan.
Dalawang milyong piso ang target ng grupo at dahil sa mga impormasyong ito, nakipag-ugnayan ang BITAG sa National Bureau of Investigation Anti Terrorism Department Intelligence Service (NBI-ATD-IS).
Matapos ang ilang araw na pagmamanman ng NBI-ATD-IS at BITAG sa lugar at mga taong kasangkot sa grupo, ikinasa ang isang operasyong titimbog sana sa grupo.
Sa nasabing araw ng operasyon, nagkaroon ng habulan at palitan ng putok sa pagitan ng mga ahente ng NBI at mga suspek.
Nakatakas ang grupong target subalit tanging ang budol money na inihanda namin ang natangay ng mga holdaper.
Mahigit isang taong nasa open files ng BITAG ang grupong ito, hanggang tuluyan naming mapasok ang malawak na mundo ng intel. Dito, lumutang ang pangalang Alvin Flores Group na siyang nasa likod ng sunod-sunod na bank robbery at siya ding utak sa naganap na payroll robbery noong 2008.
Seryoso ang ginawang pagtutok ng BITAG sa kasong ito, sa tulong ng intel ng National Capital Region Police Office (NCRPO), tuloy-tuloy ang aming imbestigasyon at pagkuha ng mga impormasyon sa bawat miyembro at susunod na aktibidades ng grupo ni Alvin Flores.
Masuwerteng nakakuha din kami ng mga bago at kumpletong Closed Circuit Television Video ng mga aktuwal na panloloob at pagnanakaw ng grupo sa iba’t ibang establisyamento at banko na hindi nakuha ng ibang media group.
Sunod-sunod at paulit-ulit naming pinalabas ang bawat aktibidades at pagmumukha ng miyembro ng Alvin Flores Group upang ilantad sa publiko, makatawag ng pansin at maituro ang kinaroroonan ng notoryus na grupo.
Dahil dito, naging mainit ang BITAG sa mga pusakal na miyembro ng Alvin Flores Group. Sa kanilang mga sumunod na pag-atake, matapos gamitin ang uniporme ng pulis, lantaran namang nagsuot ang bawat miyembro nito ng itim na T-Shirt at bullet proof vest na may naka-imprentang BITAG sa likod nito.
Sari-saring death threats at pagbabanta ang nakarating sa aming tanggapan, subalit hindi ito ang bagay na makapagpapatigil sa aming grupo upang ilantad ang katotohanan at magbigay ng babala sa publiko.
Sa sunod-sunod nang pagbatikos ng BITAG, maging ng ilang kapatid namin sa media sa Philippine National Police sa hindi matuldukang mapanganib na aktibidades ng grupo, biglang natapos ang kasong ito. Naibalitang patay na ang lider ng grupo.
Ito ang mundo ng intel. Malawak, kumplikado, mapanganib, delikado. Ilan lamang ito at alam ng BITAG, marami pang susunod.