AKO, ang aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ang buong pamilya Estrada ay nakikiisa sa buong sambayanang Pilipino sa pag-obserba sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, laluna sa panalangin na nawa, ang mga yumaong mahal natin ay nasa pagkandili ng ating Panginoon doon sa kalangitan.
Natural lang na nakalulungkot para sa sino man sa atin ang pagkawalay sa ating piling ng mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan at iba pang tao na malapit sa atin, Pero ang mas mahalagang isipin natin ay naroon na sila sa piling ng Dakilang Lumikha.
Maganda ring bigyang-pansin natin, hindi lang sa Undas ngayong taon kundi sa mga susunod pang pag-obserba natin sa okasyong ito, ang mga paalala hinggil sa taimtim na pagdarasal para sa mga yumao.
Alam naman kasi natin na marami ang nagtuturing sa Undas bilang panahon ng “reunion” ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan, na itinutuloy na rin madalas sa pagpapa-party, palaro, mga contest at pagkakasiyahan.
Ang iba naman ay pinatatampok sa okasyong ito ang mga istorya ng katatakutan at paglalawaran sa mga namatay bilang nakatatakot na multo.
Mayroon namang ginagamit ang Undas sa komer-syalismo o malawakng pagnenegosyo sa kultura at paniniwala ng ating mga kababayan.
Hindi natin masisisi o mapipigilan ang mga tao na may kanya-kanyang pamamaraan sa pag-obserba ng Undas.
Alam naman natin na ang okasyong ito ay nagsisilbing pagkakataon upang muling magkasama-sama at mag-kausap ang mga magkakamag-anak na nasa magkakalayong lugar.
Tanggap din natin na impluwensyado ng kultura at gawi mula sa ibang bansa ang okasyong ito.
Pero siyempre ay gawin nating prayoridad ang pag- aalay ng panalangin para sa mga yumao, at pati rin ang pag-alala sa mga nagdaang masasayang panahon noong kapiling pa natin sila.
Marapat ding binibigyan natin ng bahagi sa ating mga dasal sa okasyong ito yung mga namatay sa inhustisya, krimen at sakuna na marami ay hindi pa rin nakakamit ang katarungan at katiwasayan ng kaluluwa hanggang ngayon.