Diplomasya
May mga okasyon kung saan dapat isinasarili na lang ang naiisip, dahil iba na ang sitwasyon ng buhay mo. O kaya’y nagkakaroon na ng diplomasya, lalo na kung sa gobyerno na nagtatrabaho. Katulad ng isang manunulat ng mga talumpati ni Pangulong Aquino. Kasama siguro sa opisyal na pagdalaw ni P. Noy sa Vietnam, naglagay ng mga komentaryo sa Twitter na hindi magaganda ukol sa kanyang mga karanasan sa nasabing bansa. Kesyo masagwa daw yung alak, at iba pang komentaryo ukol sa Vietnam.
Dapat tandaan ni Asst. Sec. Mai Mislang na siya’y bahagi na ng opisyal na pamilya ni Pangulong Aquino, at madalas ay siya ang kakatawan sa kanya. Siya nga ang tiga sulat ng talumpati kaya lagi siyang mauugnay sa Pa-ngulo. Hindi dapat siya nagkokomentaryo ng ganito, lalo na sa isang napaka-publikong lugar katulad ng internet. Maaaring may magsabi diyan na siya ay nagiging tapat lang sa kanyang naranasan. Sige, nandun na ako. Pero kaya nga may ibig sabihin ang salitang diplomasya. Kung lahat na lang ng pinuno ay linagay ang kanilang tunay na nararamdaman sa Twitter, baka matagal nang nagliparan ang mga sandatang nukleyar!
Mabuti nga ang Vietnam, pwedeng magtanim ng ubas, kaya nagsismula na ang kanilang industriya ng paggawa ng alak. Baka nasa mga unang taon pa lang ang kanilang industriya, kaya hindi pa kasing kalibre ng alak ng mga bansang kilala na para sa paggawa ng alak. Tayo, ni hindi tayo makapagtanim ng ubas, paano pa ang paggawa ng dekalidad na alak! Pati nga sa bigas, talo na tayo ng Vietnam na mismo si P. Noy ay umiling na lang ukol dito. Tayo ang nagturo sa Vietnam magtanim ng bigas, ngayon, tayo na ang nag-iimpok!
Maraming batikos na ang natanggap ni Asst. Sec. Mai Mislang ukol sa kanyang mga komentaryong wala sa lugar. Wala sa lugar dahil sa kanyang posisyon, dahil sa kanyang kinakatawan. Sa totoo lang, marami ang ganyan ngayon sa gobyerno ni Pangulong Aquino. Ang akala yata, na komo mataas ang pagtitiwala ng taong-bayan sa Pangulo ay sakop-kasama na rin sila. Kailangang ilagay sa lugar ang sarili, mag-isip ng mabuti, bago magsalita o magsulat. Iba na ang kanilang buhay, dahil iba rin ang kanilang trabaho.
Kaya mabuti na rin at wala na ang kanyang Twitter account, dahil nakita na hindi siya pwedeng magkaroon nun, sa ngayon.
- Latest
- Trending