KRISTIYANONG selebrasyon ang All Saints’ Day tuwing Nob. 1 (at All Souls’ Day tuwing Nob. 2). Pero hindi lang Kristiyanismo ang merong santo at santa. Mga tao silang sukdulan ang kabanalan kaya’t dinadakila at tinutularan sa iba’t ibang relihiyon: Islam (Sunni, Sufi, Baloch), Judaism, Hinduism, Sikhism, at Buddhism. Pati mga maliliit na sekta sa South America at Africa ay merong santo’t santa. Mahigit 10,000 ang nakatala. Karamihan sa kanila’y sa samu’t saring sangay ng Kristiyanismo: Katoliko, Angelican, Lutheran, Methodist, Latter-Day Saints, Orthodox (Russian, Greek, Eastern), atbp. Sa mga Kristiyano, lumaganap na ang saklaw ng titulong “santo”. Lahat ng itinuturing na nasa Langit kasama ng Diyos, pati mga anghel, ay tinatawag na santo: Miguel, Gabriel, Rafael, Sealtiel, Baraquiel, Judiel, Uriel. (Ang ibig sabihin ng “-el” ay “kasama ng Diyos”; ang “Emmanuel” ay “narito ang Diyos”.)
Naigpawan na ng mga santo’t santa ang makamundong kahinaan: pagka-makasarili, kaswapangan, kasibaan, kayabangan, galit, kalupitan, inggit, mapagnasa, at mapanakit. Ihinalili nila ang makalangit na asal: kabanalan, pagiging madasalin, masunurin sa utos ng Diyos, matiisin, mapagtimpi, marahan, mapagkumbaba, at mapagkait sa sarili.
At dahil sa kanilang mga sakripisyo, ginantimpalaan sila ng Diyos ng kakaibang kakayanan. Animo’y superheroes sila kung magpagaling ng maysakit, makita ang kinabukasan, maarok ang mga misteryo, magsalita sa iba’t-ibang wikang hindi pinag-aralan, magpakita nang sabay sa magkaibang lugar, magpalayas ng mga laman-lupa, at katalinuhan. Kung minsan nama’y nag-iiwan ang Diyos ng palatandaan. Halimbawa: sugat na animo’y pinakuan sa mga kamay at paa, liwanag, o bango.
Sa mga kuwento ng santo’t santa, ipinakikita ang mga katangiang ito. Kaya hindi kataka-taka na, sa dami nila na mahigit 10,000, merong magkakatulad na kuwento.
Nagkakaiba lang sa edad, panahon, kasarian o pook, pero parang iisa ang salaysay ng magkaibang relihiyon.