Gusto ko pink!

Hindi maiwasang maaliw sa advertisement ng isang memorial plan na ang gusto ng bidang babae ay pink na kabaong. At alam na alam niya kung ilan ang da­dalo at kung ano ang requirement sa pagkain habang siya’y binuburol.

Masaya ng tema ng ads dahil nga pinapakita na preparado ang babae kung saka-sakali ngang siya ay tuluyan nang mamamatay.

‘Gusto ko pink’, pink ang gusto nga niyang kulay ng kanyang kabaong.

Ngunit iilan lang sa atin ang may kakayahan na makapagpipili ng kulay at maging gawa ng kabaong. Ang mas nakakarami sa atin ay hindi kaya ang napakamahal na halaga ngayon kung ang isang tao ay mamamatay.

At minsan nga masasabi natin na mas mahal pa ang mamatay kaysa mabuhay.

Ang Davao City ay hindi nakaligtas sa problema sa ukol sa kamatayan. Bukod pa sa problema sa nagmamahalang presyo ng kabaong, mahal na rin ang pagpagagawa ng nitso kahit na sa mga sinasabing public cemeteries.At talaga namang masyadong mahal din ang magpapalibing sa memorial parks.

Dito sa Davao City ay nagkaroon na sana ng plano ang city government na magpatayo ng modernong crematorium and columbarium sa halaga ng P50-million. Dahil nga over-populated na mga public cemeteries dito sa siyudad.

Ngunit mas pinili ni Mayor “Inday” Sara Duterte na ga­mitin angP50-million para sa bahay ng mga buhay at saka na lang ang para sa mga patay.

Pinagawa na ni Mayor Sara ang plano para sa mga tenement-style structures dito sa siyudad upang gawing tirahan ng mga informal settlers na tila dumadami na nga.

Ang gusto ng mayor ay magpatayo na lang ang city government ng crematorium at columbarium sa isang bagong area at hindi na ito gagawin sa kung saang lumang semeteryo na may mga nakalibing pa naman.

Aasikasuhin muna ni Mayor Sara ang mga buhay ni­yang constituents at saka na ang mga patay.

Ngunit sana naman huwag tagalan ng city government ng Davao ang pagpatayo ng crematorium at columbarium upang maisaayos naman ang paghihimlayan ng mga Dabawenyo maging Araw man ng Undas o anong araw man ng taon.

Show comments