Patuloy na relasyon, patuloy na pagmamahal
PANAHON na muli ng Undas, kung saan ginugunita at inaalala muli natin ang ating mga mahal sa buhay na nauna na sa atin. Malaking bahagi ng mundo ay ginaganap ito sa mga petsa ng Nobyembre 1 at 2, partikular sa mga Kristiyanong bansa. At dahil malakas ang impluwensiya sa atin ng kanlurang kultura, sumasabay na rin tayo sa kanilang petsa. Pero may ilang bansa na ginugunita ang kanilang patay sa ibang araw. Halimbawa, ang mga Hapones ay sa Hulyo at Agosto. Iba’t ibang mga ritwal at dasal ang ginagawa rin sa mga araw na ito, pero ang suma ay ang pagdalaw lang at “samahan”, minsan naglalamay pa, ang mga namatay para ipakita na rin kung gaano pa natin silang kamahal.
Kaming magkakapatid ay ulila na. Yumao ang aming mga magulang noong 2004, ilang buwan lang ang pagitan ng pagkamatay nila. Para bang hindi sila puwedeng magkahiwalay nang matagal, kaya sumunod na rin yung isa. Napakalungkot ng taon na iyon, lalo na’t wala namang nag-akala na mamamatay na ang aming ina. Kaya sa tuwing Undas, nagkakaroon naman ng pagkakataon na magkita-kita kaming mga magkakapatid, kasama na ang mga apo, at ilang kamag-anak sa harap din ng aming mga magulang at yumao na ring kapatid. Nagpapamisa kami at may konting kainan at maraming kuwentuhan, na aabutin na rin nang maghapon!
Kami naman ay madalas dumalaw sa puntod ng aming mga magulang kahit hindi undas. Ginugunita rin namin ang kanilang mga kaarawan, at dumadaan kami kapag Pasko at Bagong Taon. Hindi talaga napuputol ang relasyon mo sa iyong mga magulang. Nagbago lang ng pamamaraan. Sinasama ko pa rin sila sa aking mga dasal, at sana ay pinagdadasal din nila kaming lahat, na bigyan ng tamang gabay sa buhay, lalo na sa mga panahon ng pagsubok at problema.
Kaya naman mahalaga ang Undas sa kulturang Pilipino. Sa atin nga lang yata piyesta opisyal ang Araw ng mga Patay. Tila piyesta nga ang tinig sa mga sementeryo, na kung minsan ay medyo napapasobra rin. Kaya ilang mga sementeryo ay may patakaran na tuwing Undas, para naman walang mga masasamang pangyayari sa panahon ng paggunita at alaala at madagdagan pa ang mga bibisitahin sa susunod na taon!
- Latest
- Trending