Editoryal - Honoraria ng mga guro na nagsilbi nu'ng barangay election
NAIBIGAY na kaya ng Commission on Election (Comelec) ang honoraria ng mga gurong nagsilbi noong nakaraang barangay election? Ito ang katanungang lumulutang ngayon. Sa mga nakaraang election, lagi nang isyu ang atrasadong pagbibigay ng honoraria sa mga guro. Mayroong mga guro na laging nagrereklamo na hindi pa binibigay ang kanilang ipinangakong honoraria. Noong May 10, 2010 elections, may mga gurong nagreklamo ukol dito. Hindi lamang kung may elections kailangan ang mga guro kundi pati sa pagse-census. Sa nakaraang census, may mga gurong nagreklamo na hindi pa ibinibigay ang kabayaran sa kanila. Dinukot muna nila sa sariling bulsa ang ginastos. Marami sa kanila ang nakagat ng aso at pusa nang isagawa ang census noong nakaraang summer.
Malaki ang utang na loob sa mga guro dahil sa pagsisilbi nila na kung minsan ay naglalagay pa sa kanila sa bingit ng kamatayan. At masakit na sa kabila na nasa panganib ang buhay, yung pagbibigay ng honoraria sa kanila ay hindi pa maibigay nang maaga.
Sa nakaraang barangay at Sangguniang Kabataan election, sinabi ng Comelec na bawat guro na magsisilbi rito ay tatanggap ng P1,000 honoraria. Siniguro ng Comelec na tatanggapin ng mga guro ang honoraria. Meron daw budget para rito.
Gaya ng mga nakaraang election, nabahiran ng kaguluhan ang barangay elections. Maraming supporters ng kandidato ang nagkagulo at mayroong mga namatay. Mismong sa presinto nagpapang-abot ang bawat supporters at doon nagkakasakitan. At pati ang mga guro ay kanilang isinasali at gustong saktan sa pag-aakalang kumakampi sa kalabang partido. Ang ibang guro ay kailangang eskortan ng mga pulis habang dala ang ballot box sapagkat maaaring agawin ng mga sutil na supporters. Wala nang kinikilala ang mga supporters at sumusugod na. Sa ilang barangay sa Maguindanao ay kinailangang bantayan ng mga sundalo ang election para mapigilan ang kaguluhan. Mahigit 2,000 barangay ang itinigil ang election dahil sa kaguluhan at kakulangan ng mga gamit sa election.
Sa kabila ng mga nangyaring kaguluhan sa nakaraang barangay election, patuloy pa rin ang pagsisilbi ng mga guro. Walang atrasan kahit na nakaamba ang panganib. Sana naman, matupad ang sinabi ng Co-melec na maibibigay ang kanilang honoraria. Hindi na sana ibitin pa ang karampot na bayad sa mga guro na nabingit sa panganib ang buhay para makapagsilbi.
- Latest
- Trending