NGAYONG umaga magtatagisan ng lakas at galing ang ilan nating kapatid sa hanapbuhay laban sa mga maliliksi at maskuladong pulis ng MPD at QCPD, NBI, Philippine Coast Guard at ilang ahensiya ng pamahalaan sa kauna-unahang MPD Press Corps Invitational Badminton Tournament na gaganapin sa Manila Police District Badminton Court, MPD headquarters, United Nation Ave., Ermita, Manila. Dito masusubukan kung hanggang saan ang lakas ng paninindigan ng ilan nating kapatid sa hanapbuhay sa pamamagitan ng magagandang diskarte sa pagpalo ng bola ng badminton. Siyempre hamon ito sa ating mga kawani ng pamahalaan na mapag-ibayo ang sportmanship hindi lamang sa banatan sa istorya kundi sa larangan din ng palakasan. Kaya time out muna tayo sa mga isyu at magkaisa sa panonood sa walang humpay na kantiyawan at purihin ang pinakamagaling na manlalaro sa torneong ito. Ang paminsan-minsang pagpapawis ay makabubuti rin sa kalusugan lalot sa katulad naming mga nasa media na halos wala nang oras sa pag-ehersisyo. At higit sa lahat, ito rin ang tanging paraan na makalikom ng pondo ang aming organisasyon sa Manila Police District Press Corps sa ilalim ng aking pamumuno. Dahil ang malilikom namin sa palarong ito ay aming gugugulin na pambayad sa pag-repair ng aming press office at communication facilities katulad sa internet connection, cables at iba pang bayarin. At nakatutuwa naman isipin na sa kabila ng kahirapan ngayon ng buhay ay mayroon pa rin kaming malalapitan ng aming pangangilangan.
Katulad na lamang kina Mr. Miguel Belmonte (ang aking boss na President/CEO ng Pilipino Star NGAYON, PM PangMasa at The Philippine STAR) na nagbigay ng P10,000; MPD Dir. Chief Supt. Roberto Rongavilla, P10,000; Mr. Ed Cabangon, P10,000; Mr. Nelson Guevarra, P10,000; PCG Admiral Wilfredo Tamayo, P5,000; AFIMA president Benny Antiporda, P5,000; Supt. Frumencio Bernal, P4,000; Cong. Nick Briones, P3,000 at DOJ sec. Leila De Lema, P3,000 na sa pakiwari ko paunang tulong pa lamang ito. Kaya ang buong opisyales at miyembro ko sa MPDPC ay abot langit na ipanararating ang pasasalamat dahil hindi na kami mapuputulan ng comnunication connection, dahil makababayad na kami sa aming utang. Kasi nga wala naman kaming mapagkunan ng pondo para gastusin sa aming organisasyon kung wala ang tulong ng mga may mabuting kalooban.
Ngayong araw na ito ay wala nang makapipigil sa bakbakang walang humpay at matira ang matibay sa larangan ng badminton. Magsasagupa ang mga koponan ng NBI, PCG, Col. Bernal, Col. Pedrozo, ABS-CBN, NBN channel4, DOLE, Manila Times at Philippines Star Team sa pamamagitan ng Knock out system. At syempre di magsisimula ang labanan kung wala sina MPD Dir. Rongavilla, NPC president Jerry Yap at ako sa ceremonial toss na magsisimula 8 ng umaga. Tayo nang manood at makipalakpak sa magagaling na manlalaro dahil pagkatapos nito ay ipakikita ko naman sa inyo ang bago at moderno naming press office.