Ayon sa batas (Canon 4, Section 1, New Code of Judicial Conduct), hindi puwedeng gamitin ng isang hukom ang kanyang posisyon upang isulong ang pansariling interes. Ang kasong ito ni Judge M ay isang malinaw na halimbawa.
Hindi maganda ang relasyon ni Judge M kay MB, isa sa kanyang mga kamag-anak. Madalas perwisyuhin ni Judge M ang pamilya ni MB. Isang beses, nagsampa pa si Judge M ng kasong estafa sa tatay ni MB. Nang ibasura ito ng piskal na humawak sa kaso, pati piskal ay sinampahan ni Judge M ng kung anu-anong reklamo. Itinanggi naman lahat ng nasabing piskal sa kanyang salaysay.
Matapos noon, si MB naman ang mismong ginulo ni Judge M. May babuyan at manukan si MB. Gumawa ng anim na sulat si Judge M sa isang “papel” kung saan nakalagay sa ibabaw na nanggaling ang mga ito sa sala ng nakaupong hukom ng RTC Branch 36. Ang mga sulat ay ipinadala sa Mayor, Municipal Engineer at Municipal Agriculturist ng lugar. Humihingi siya ng impormasyon tungkol sa negosyong babuyan at manukan ni MB. Sinasabi ni Judge M sa sulat na may ginagawang paglabag si MB sa mga umiiral na batas (National Building Code & environmental laws) at ipinaaalala niya sa nasabing mga opisyales na huwag munang magbigay ng kaukulang permit. Nananakot pa si Judge M na kakasuhan sila sa kapabayaan sa tungkulin kapag hindi nila sinunod ang kanyang gusto.
Dahil sa ginagawang pananakot at pamemerwisyo ni Judge M, sinampahan siya ng kasong administratibo ni MB sa OCA (Office of the Court Administrator). Inaabuso raw ni Judge M ang kanyang kapangyarihan at ang kinikilos niya ay hindi dapat ginagawa ng isang hukom.
Sagot naman ni Judge M, isa siya sa mga may-ari ng lupa sa lugar na iyon at bilang isang mamamamayan, may tungkulin siya na protektahan ang kalikasan, kasama na rin sa kanyang mga karapatan ang humingi ng impormasyon mula sa ibang opisina ng gobyerno lalo at laban kay MB na lumalabag sa batas. Ayon din kay Judge M, hindi naman niya ginamit ang opisyal na papel (stationery) ng kanyang opisina sa ginawa niyang pagsulat sa mga ahensiya ng gobyerno. Personal ang ginawa niya at hindi opisyal na tungkulin. Tama ba si Judge M?
MALI. Sa ginawa niyang pagsulat, ginamit pa rin ni Judge M ang kanyang pagiging hukom dahil malinaw na nakalagay sa papel na nagmula ang mga sulat sa kanyang opisina. Ibig sabihin, ginagamit pa rin niya ang impluwensiya ng kanyang opisina upang makuha ang kanyang gusto at upang mapabilis ang sagot sa kanya ng mga opisyales ng gobyernong kanyang sinulatan. Layunin pa rin ni Judge M na gamitin ang pagiging hukom niya upang isulong ang pansariling interes. Paglabag ito ng batas (Sec. 1, Canon 4 of the New Code of Judicial Conduct).
Ang naging problema dito ay tulad din ng paggamit ng salitang Judge o Hukom sa mga sulat na ipinapadala ng isang miyembro ng Hudikatura. ang kanyang pangalan. Tama na pinaghirapan niya na makuha ang titulo bilang hukom. Ang problema, ang titulong hukom ay magagamit lang upang ipakilala ang isang tao pero hindi para isulong ang personal, pampamilya o ibang interes ng hukom na sangkot. Bilang parusa sa kanyang ginawa, pinagmulta si Judge M ng P11,000 at binalaan na mas mabigat ang magiging parusa sa oras na siya ay umulit. (Belen vs. Belen, A. M. No. RTJ-08-2139, August 9, 2010).