Editoryal - Hustisya sa mga naputulan ng paa
NANG malaman ni Raissa Laurel na lumantad na ang suspect sa paghahagis ng granada noong Setyembre 26 na nagtapos ang Bar exams, namutawi sa kanyang labi ang kasiyahan. Halos isang buwan din bago may lumantad na suspek. Si Raissa ay isa sa mga naputulan ng paa. Nag-aaral siya ng Law sa San Beda at nang maganap ang trahedya ay nasa tapat ng De La Salle University para magbigay suporta sa mga kapwa Law students na kumuha ng Bar exams. Ayon sa report, mismong sa harapan ni Raissa bumagsak ang granada kaya siya ang grabe ang tama. Magkaganoon man, matapang na hinarap ni Raissa ang matinding pagsubok. Hindi siya kinakitaan ng panlulumo at pagkaawa sa sarili bagkus ay positibo ang kanyang isipan na malalampasan ang pagsubok. Gusto pa rin niyang makatapos ng Law at maging abogada sa darating na panahon.
At nang malaman nga ni Raissana isang suspek na ang lumantad, mas lalo siyang nakadama ng pag-asa. Nakakita siya nang liwanag na sa mga susunod na araw ay lubusan nang malalaman ang may kagagawan ng karumal-dumal na pambobomba. Malaki ang kanyang paniniwala na makakamit na niya at iba pang biktima ang hustisya.
Ang lumantad na suspek ay nakilalang si Anthony Nepomuceno, isang call center agent at miyembro ng APO Fraternity. Sinamahan si Nepomuceno sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Vice President Jejomar Binay na isa ring miyembro ng APO. Gayunman, sabi ni Binay, hindi nila kukusintihin ang sinumang miyembro ng APO na masangkot sa krimen. Noong Huwebes ay sinampahan na ng kaso ng NBI si Nepomuceno. Ayon kay Binay handang ipagtanggol ng APO lawyers si Nepomuceno. Naniniwala raw si Binay na walang kasalanan si Nepomuceno. Ayon naman sa NBI matibay ang mga ebidensiya laban kay Nepomuceno. Dalawang testigo umano ang nakakita kay Nepomuceno nang ihagis ang granada.
Madaliin naman sana ang pagsulong ng hustisya at nang makamtan na ito ng mga biktima. Kung ang suspek nga ang talagang may kasalanan, dapat siyang maparusahan nang mabigat. Hindi gawain ng isang may matinong pag-iisip ang inakto niya. Pininsala niya ang mga walang kamuwang-muwang. Kung mapaparusahan nang mabigat ang naghagis ng granada, maaaring maputol na ang kabuktutan.
- Latest
- Trending