P11.3-M sa state visit ni P-Noy sa Vietnam
Kung ang mga nagdaang administrasyon ay gumagastos ng daang milyon sa mga foreign trips ng Pangulo na kung minsan ay umaabot pa ng bilyon, ibahin ang admi-nistrasyon ni P-Noy.
Ayon Kay Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, P11.3 milyon lang ang inilaang budget sa limang araw na pagbisita ni Pangulong Noynoy Aquino sa Vietnam para sa 17th Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit. Kamakalawa pa umalis ang Pangulo kasama ang 52-kataong delegasyon.
Di ko mapigil ang matuwa sa liit ng gastusing ito dahil sa mga nakaraang foreign visits ng mga dating Pangulo, umaabot ng daang-milyon o bilyong piso pa ang ginugugol. Sariwa pa marahil sa ating gunita na sa isang foreign trip ni dating Presidente Gloria Arroyo, ang kanyang delegasyon ay naghapunan sa isang mamaha-ling restaurant sa America na kung tawagin ay Le Cirque at umabot ng P1 milyon ang bill sa isang tsibugan lang! Talagang mapapa-sirko ka sa presyo!
Ibig sabihin, ang P11 milyong budget ni P-Noy sa Vietnam visit na sakop lahat pati gastos ng kanyang 52-kataong delegasyon sa loob ng 5-araw ay katumbas lamang ng 11-beses na paghahapunan sa Le Cirque. Grabeh!
Sa mga ordinaryong tao, kahit P1 milyon ay malaking kayamanan na. Pero ang mga state visits o official visits ay mahalaga sa economic development ng bansa dahil diyan tayo nakaka-bingwit ng mga dayuhang investor para mamuhunan sa bansa. Mangangahulugan iyan ng mga bagong negosyo at mga trabaho para sa mga Pinoy.
Kung pag-uusapan ang mga napala natin sa unang foreign trip ni P-Noy, sinabi ni Ochoa na noong isang buwan, ang Pangulo ay nakapag-uwi ng US$2.4 billion halaga ng investments at 40,000 na mga empleyo para sa ating mga kababayan.
- Latest
- Trending