'Wag pasimple-simple sa mga miyembro ng Salisi
Magbubukas muli ang pasukan sa eskuwela sa mga unibersidad sa buong bansa pagkatapos ng Undas. Ito ‘yung tinatawag sa kolehiyo na ikalawang semestre.
Bago pa man magsibalikan sa eskwela ang mga estudyante, nagbibigay kami ng paalala sa mga magulang at mag-aaral lalo na sa kolehiyo.
Hindi maikakaila na malaking bilang ng mga nag-aaral sa unibersidad ay nangungupahan lamang malapit sa kanilang pinapasukan.
Partikular dito ang mga eskuwelahan sa University Belt at Maynila.
Kaya naman, sa mga naghahanap ng boarding house, bed space at room for rent, mag-ingat. Pawang mga estranghero at hindi niyo kakilala ang inyong makakasa-lamuha o room mate.
Maging alerto at huwag pabanjing-banjing dahil baka ang iyong kasamahan sa boarding house o kuwarto, miyembro pala ng Salisi Gang.
Kung ang estilong kampante ka sa bahay, hindi uubra sa mga paupahang nabanggit sa kolum na ito. Iwasang maging burara kung saan pakalat-kalat ang inyong mga mahahalagang gamit sa ibabaw lamang ng kama o sa kuwarto mismo.
Hangga’t maaari, huwag na huwag mag-iiwan ng mahahalagang bagay o dokumento sa inyong kuwarto o higaan, siguraduhing nasa taguan ito na ikaw lamang ang nakakakita at nakakaalam.
Tiyaking may privacy ang inyong mga gamit sa pamamagitan ng pag-lock sa inyong mga kuwarto, tokador, aparador o maging ang personal na maleta.
Maging pala-duda sa mga estrangherong biglang makikipagkilala o makikipag-kaibigan, pagkakataon lamang na mahulog ang iyong loob ang hinihintay ng mga kawatan ng Salisi Gang, saka ka nanakawan.
Hindi na bago ang modus ng Salisi Gang, subalit nag-iiba-iba naman ang kanilang pamamaraan sa pagkuha ng biktima.
Kung ang mga laking siyudad mismo, propesyunal at may-edad na, nagagawang gantsuhin ng mga luku-luko.
Lalo pa ang mga inosente, abala at madaling kaibiganing estudyante, paborito itong targetin ng lahat ng uri ng manloloko sa lansangan.
Tatlong paalala lamang ng BITAG, mag-ingat, mag-ingat at mag-ingat!
- Latest
- Trending