Noong araw, sinasabi na ang katabaan ay “sign of progress.” Na ang taong nananaba ay umaasenso ang kabuhayan. Mali.
Alam n’yo ba, sa mga maunlad na bansa gaya ng Amerika ay itinuturing ng “epedemic” ang obesity o labis na katabaan. At ang dahilan ay hindi ang progreso ng kabuhayan kundi dahil sa mga ibinebentang junk food o sitserya gayundin ng mga isinisilbi sa mga fast food chains.
Nasa Pilipinas na rin ang problemang iyan. Sari-saring junk food o sitserya ang mabibili ngayon kaya kahit sa mga paslit na Pinoy ay makikita na ang mga sobra ang katabaan.
Dahil dito, naghain ng resolusyon si Senador Miriam Santiago na magbubuwis sa mga tinatawag na junk food. Para daw masugpo ang problema sa labis na pagtaba ng ating mga kababayan.
Sana huwag lang sa junk food kundi sa ibang mga kalakal na nakapipinsala sa kalusugan magpataw ng ma-laking buwis. Kung may dapat buwisan ng napakalaki, ito ay ang mga bisyo tulad ng sigarilyo at alak. Ang mga iyan ang mas nakapipinsala sa tao. Marami na ang namatay sa lung cancer at sa pagkasunog ng atay dulot ng pag-inom.
At least, kung tataas ang presyo ng mga produktong ito dahil sa buwis, marami ang magbabawas ng kanilang konsumo kundi man tuluyang itigil na ang masamang bisyo.
At ang malilikom na buwis ay magagamit sa rehabilitasyon ng mga sugapa sa bisyong ito. Ang problema ay – kahit tumataas ang presyo ng alak at sigarilyo, hindi pa rin maawat-awat ang mga sugapa. Problema nila iyan.
Ngunit kung magtataas ng buwis, makakalikom ng added revenue ang gobyerno na puwedeng ilaan sa health services. Kung tutuusin, ang serbisyong pangkalusugan ay masyado nang napabayaan dahil sa kakulangan ng pondo.
I believe this is one creative way para madagdagan ang pondo ng gobyerno para sa medical and health service.