'Ako si arra, Ako si Eduardo' (STRIKE 2)

 “ ‘NANDITO BA SI EDUARDO?’ tanong taga-lending. ‘Yes, ako si Eduardo’”, sagot ko.

Parang nakakita siya ng aswang. Napalunok at napasabing

‘Bakit iba... iba ang mukha mo sa picture? Babae ka?” pagtataka nito.

Dito nagsimula ang indulto sa buhay nitong si Eduardo kilala sa tawag na “Arra”.

Si Arra ay dating Entertainer-Dancer sa isang ‘club’ sa Japan kung saan sumikat siya sa pangalang “Yumi”.

Sumailalim siya sa operasyon (sex change) kung saan iniba ang kanyang kasarian... naging ganap na si Yumi na ang dating si Eduardo.

Siyam na taon niyang ginugol ang oras sa pagsasayaw upang makapagpundar sa Pilipinas. Gamit ang husay niya sa pag-giling madaming naging taga hangang Hapon si Arra sa katauhan ni Yumi.

Naging mautak siya sa paghawak ng kanyang pera kaya’t habang nasa Japan nakabili siya ng bahay sa Imus Cavite.

Taong 2006 ng umuwi sa bansa si Arra at sa kauna-unahang pagkakataon nakita niya ang bunga ng kanyang pawis sa pagsasayaw sa mainit at nakakasilaw na ilaw sa entablado.

Masaganang buhay ang naghihintay sa kanya isang magandang bahay at negosyong ‘water station’. Pinaikot niya ang perang naipon. Pinaupa niya ang isang kuwarto ng bahay sa boarder na nagdala sa kanya ng malaking problema. Si Ronnie Jose Marabe, kakilala ng kanyang matalik na kaibigang si “Gina”.

Naging malapit sina Ronnie at Arra. Madalas silang magkwentuhan. Minsan na rin nilang napag-usapan ang tungkol sa titulo ng bahay. Huli na ng mamalayan ni Arra na isa pa lang manloloko ang pinatuloy niya. May interes na pala itong nakawin ang kanyang titulo.

Binigyan siya nito ng libreng ‘passes’ sa sinehan sa Robinsons, Imus. Kasama niyang pumunta ang kaibigang si ‘Jana’ dito na sinamantala ni Ronnie ang umano’y pagnakaw ng titulo ng bahay dahil siya lang ang naiwan sa bahay.

Matapos ang ilang araw, isang sumbong ang ipinarating sa kanya ng katiwalang sina Roger at Joel. Pinagkukuhaan daw ng litrato ni Ronnie ang kanyang bahay. Kinumpronta niya ito, nagulat siya sa naging reaksyon ni Ronnie.                

“Aalis na ko, wala na kong panrenta ng bahay,” wika ni Ronnie.

Ika-31 ng Mayo... nalaman nalang niyang sinanla na pala nitong si Ronnie sa Cathay Finance and Leasing Corporation ang titulo ng mismong taga lending na ang pumunta sa kanya.

“Anong sanla? Wala akong sinasanlang bahay sa inyo?” sabi ni Arra.

Pinakita niya ang titulo, nagpapatunay na kaniya ang bahay na yun. Mabilis siyang sinagot ng taong peke ang hawak nitong titulo. “Peke? Panung peke! Ang pinagsasabi mo.” Sagot naman nitong si Arra.

Kinabukasan agad na pumunta si Arra sa Registry of Deeds ng  Land Register Authority, Cavite at dun natuklasan niya ang kanyang peke na pala ang titulo na kanyang hawak.

“Naloka ako! Isa lang ang pumasok sa aking isipan ninakaw ni Ronie ang titulo ko. Gusto kong sakalin si Ronnie ng panahong iyon, paano niya nagawa ito sa akin? Gustong gusto ko siyang sugurin pero di ko naman alam kung saan siya hahagilapin,!” mariing pahayag ni Arra.

Pinuntahan niya ang opisina ng Asian Cathay Finance at inalam niya kung paano nakalusot sa kanila ang ganitong pangyayari, pinakita sa kanya ang ‘SSS ID’ at ‘driver’s license’ na nakapangalan sa kanya na may picture ni Ronnie.

Pinababayaran kay Arra ang P15,000 para sa interest ng sinanlang titulo, nakiusap siya na ibaba ito sa P10,000 at pumayag naman ang lending subalit binigyan siya ng taning na bayaran ang pagkakasanla ng titulo sa halagang humigit kumulang P300,000.

Natakot si Arra dahil anumang oras maari siyang sampahan ng kaso nitong lending at ma-elite ang kanyang tanging naipundar na bahay at lupa kaya humingi siya ng tulong sa amin.

Pinayuhan namin siyang magsampa ng ‘Annulment of mortgage’ dahil malinaw na wala siyang alam sa pagsasanla ng kanyang titulo. Maliban pa rito, maari niyang sampahan ng kasong qualified theft si Ronnie sa pagnakaw nito ng ‘original title’ ng kanyang lupa’t bahay.

Matapos naming matampok ang istorya ang ni Arra sa aming programa sa Radyo “Hustisya Para Sa Lahat” 882 khz.

Umaksyon agad si Arra. Tinulangan siya ng kaibigang si ‘Jing’ na makahanap ng abogado. Nakausap niya si Atty. Ronnel S. Castro ng Tres Martinez, Cavite.

Nagkasundo silang siya ang hahawak ng kaso. Nagbigay umano ng Php45,000 si Arra para sa kanyang ‘acceptance fee’.

Kinabukasan nai-file agad ang kasong Estafa through Falsification of Public Documents.

Oktubre 9, 2009 ang unang naging pagdinig subalit hindi simupot itong abugado. Paliwanag sa kanya nasa Isabela raw ito at naabutan ng bagyo.

Sa ikalawang pagdinig nagpasa ng Motion and urgent Ex-parte for early resolution si Atty. Castro. Sumunod ng ilabas ang resolution.

‘DISMISSED for lack of merit!’. Magmula nun hindi na umano nagpakita sa kanya ang abugado.

“Para namang walang naitulong si Atty. Castro sa kaso ko. Halagang Php45,000 nauwi lang sa wala,” hinaing ni Arra.

Sinubukan niyang itong kausapin. Tinext niya ito subalit hindi raw ito nagrereply. Kapag pinupuntahan naman niya lagi umano itong tulog.

Nang minsang abutan niya ito sa bahay, isa lang daw ang nasabi ng abugado, “Punta ka sa kaibigan kong abugado sa Maynila para sa kaso mo”.

Mabilis na lumuwas ng Maynila si Arra. Sa pagkakataong ito ibang abugado na ang may hawak ng kanyang kaso.

“Pinasa lang ako ni Atty. Castro. Niloko niya ko... Hindi sulit ang kwarenta’y singko mil na binayad ko sa kanya,” pahayag ni Arra.

Gustong malaman ni Arra kung tama ba ang ginawa sa kanya nitong abugado kaya’t muli siyang napunta sa amin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, Atty Castro sinubukan kang tawagan namin sa mobile phone number na ibinigay sa amin ng iyong kliyente. Wala kaming natanggap na sagot o ‘return call’ man lang.

Napakamahal naman ng 45thousand na ang tanging ginawa mo ay ‘isang affidavit’ ayon kay Arra. Asikasuhin mo itong kliyente mo dahil ang dismissal nito dahil sa maling venue o hindi dapat dun isinampa ang kaso kundi sa Manila.

Ipanasa mo pa siya sa ibang abugado ng walang pali-paliwanag. Aba! Mali na ata yan dahil panibagong singilan na naman yan.

Pinapunta namin siya sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para maghain ng reklamo sa ‘complaints division and bar discipline’ para naman mapagharap kayo at maayos ang gusot na ito.

Lubhang nakakaawa ang kalagayan nitong si Arra/Eduardo dahil naloko na siya ng pera, umasa na may tutulong sa kanyang titulado, eh ang nangyari parang iniwan mo naman yata sa laban ito.

Hindi pa naman huli ang lahat. Humanap ka ng panahon para maifile ang reklamo ni Arras sa Manila para maayos na ang lahat ng ito.

 (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments