PINAG-IISIPAN na ngayon ng Malacañang ang pagrepaso sa mga patakaran sa pagbibigay ng presidential clemency o pardon sa mga preso.
Isa nang tradisyon na taun-taon, binibigyan ng kapatawaran ng Pangulo ang mga bilanggong nagpakita ng magandang pag-uugali sa loob ng bilangguan.
Kaso nagkaroon ng masaklap na insidente sa Zamboanga City. Isang praning na dating bilanggo ang nag-amok at pumatay ng titser at ilang estudyante sa isang eskuwelahan. Kasalanan ng isa, damay ang iba.
Pero tama lang na repasuhin ang polisiya sa paggagawad ng presidential clemency o pardon. Ayon kay deputy presidential spokeswoman Abigail Valte dapat lang maging maingat ang Malacañang sa pagpapalaya ng mga preso. Ang ex-convict na si Seli Mateo ay nabigyan ng executive clemency noon lamang 2008.
Dapat marahil ay silipin ang mga patakaran ng Board of Pardon and Parole sa pagrerekomenda sa mga bilang- gong gagawaran ng patawad. Hindi tayo tutol sa pagpapalaya ng mga bilanggong nagpakita ng kabaitan at pagbabago. Marapat lang silang bigyan ng bagong pagkakataon na maging produktibo sa lipunan. Baka naman kasi ang ilang bilanggo ay napalalaya sa rekomendasyon ng mga pulitikong malakas ang kapit. Hindi malayong mangyari iyan lalu pa’t nagagamit ng mga tiwaling politiko ang mga hardened criminals sa kanilang kabuktutan.
Hindi tayo nag-aakusa pero posible ito. Sa isang banda, maituturing ding isolated cases ang pangyayari sa Zamboanga at hindi dapat gawing dahilan para higpitan ang mga patakaran sa susunod na mga paggagawad ng clemency.
Mag-ingat na lang ang Pangulo sa pagsuri sa mga inire-rekomendang palayain at siguruhin na hindi ito rekomendasyon ng mga tiwaling politiko na mahirap pahindian.