Maganda ang Pilipinas
Itong Pilipinas ay magandang bansa
maliit nga lamang pero pambihira;
tatlong pulo itong may sariling wika
sa mapa’y tingnan mo at kahanga-hanga!
Naliligid ito ng ilog at dagat –
kaya mga tao’y hindi nagsasalat;
sa dagat at ilog ang isda’y masarap
sa bayan at nayon may pagkaing sapat!
Tingnan ang paligid at mapagmamasdan
luntian ang gubat – sa hayop mayaman;
sa buong paligid bundok ay naglisaw
nagtatanod ito sa sigwang daratal!
May mga panahong bagyo’y dumarating
ang dumi sa bansa’y winawalis mandin;
tahanang nawasak naitatayo rin
tahimik ang lahat kung gabing madilim!
May mga panahong mga taong labas
at ang mga taksil nagsasamang lakas;
sila ay supil din ng maraming armas
ng mga sundalong sa baya’y matapat!
At sa bansang ito ay mayrong halalan
mabubuting lider ay naglalabasan;
may lider na hudas may lider na tunay
mabubuting lider ang nagtatagumpay!
Palibhasa’y bansang may takot sa Diyos
mga mamamayan matapat maglingkod;
ang bata’t matanda ay nakalulugod
mabubuting lider siyang sinusunod!
Kung may naghihirap saka nagugutom
sila’y mga taong ang diwa’y paurong
maraming gawain ay ayaw tumulong
kuntento sa buhay na mali ang misyon!
Kaya sa Philippines kay sarap mabuhay
lalo’t ang puso mo ay tapat sa bayan;
kahi’t may sakunang umalis dumatal
ang tao’t gobyerno ay nagtutulungan!
- Latest
- Trending