Mahabag po kayo sa akin

SA unang pagbasa sa linggong ito ay napakaganda ng paalaala sa atin ng aklat ni Sirak. Makatarungan ang Diyos, wala siyang itinatangi, hindi Siya kumikiling kaninuman at dinirinig Niya ang mga inaapi. Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay marami pa sa atin ang puno ng pag-aalinlangan, pagtatampo sa Diyos. Kadalasan ay tinatanong pa natin ang ating sarili, ganoon ba talaga ang Diyos?

Hindi natin maarok ang kalooban ng Diyos. Sa mga pangyayari sa ating buhay ay nahihiwagaan tayo sa     Kanya. Sa mga kaguluhan sa ating kapaligiran ay hindi natin maubos maisip ang tunay na takbo ng buhay. Ang sagot dyan ay kulang na kulang pa ang ating tatlong “P” sa Dakilang “P” Panginoon. Kulang pa tayo sa ganap na pa­niniwala, pananalig at pananampalataya sa ating Panginoong Diyos na Buhay.

Ayon sa Salmo: “Dukhang sa Diyos tumatawag ay Kanyang inililigtas” Maging si Pablo ay maligaya na sa kanyang paglilingkod, dumarating na ang oras ng kanyang pagpanaw, natapos na ang dapat niyang takbuhin, nananatiling tapat sa pananamnpalataya, makakamtan na niya ang korona ng tagumpay. “Ang Panginoon ang magliligtas sa akin”.

Maging ang parabula ni Hesus ay napakagandang paalaala sa atin upang maisapuso at maisabuhay ang landas ng Panginoon. Tayo ba ay wagas sa ating panana­langin? O baka naman ito’y pawang mga salita ng dila lamang. Katulad ba nating manalangin ang isang Pariseo sa templo: “O Diyos salamat naman at di ako katulad ng iba, magnanakaw, mandaraya, nangangalunya o katulad ng publikanong ito. Nag-aayuno at nagbibigay ng ikapu”. Sa iba’t ibang relihiyon ay masasabi ko na ang tunay na Katoliko Romano lamang ang walang ikapu. Hindi itinuro ni Hesus sa pagbibigay ng ikapu.

Naroon din sa templo ang isang Publikano na nagdarasal sa Panginoon: “O Diyos mahabag po kayo sa akin isang makasalanan”. Wagas at taimtim ng kanyang pagsisisi. Siya ang kinalulugdan ng Diyos, sapagka’t ang “Nagpapaka­taas ay ibababa at ang nag­papakababa ay itataas”.

Sirak 35:15b 17, 20-22; Sal­mo 33, 2Tim 4:6-8, 16-18 at Lk 18:9-14

Show comments