Peace talks
MATAPOS maging kontrobersyal dahil sa pakikipagsinghalan sa ilang Muslim Solons, inihayag ni Presidential Peace Adviser Teresita Deles na aariba na ang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa grupong maka-kaliwa. Ayon kay Deles, hinirang ni Presidente Aquino si Health Undersecretary Alex Padilla para mamuno sa peace panel na makikipag-usap sa mga rebeldeng komunista.
Lahat ng administrasyon, sapul pa noong panahon ni Presidente Aquino ay nagdaos ng mga peace negotiations sa mga rebeldeng komunista. Mailap pa rin ang kapayapaan. Mabalasik pa rin ang mga rebeldeng komunista sa mga ginagawang pananambang at karahasan.
Noong panahon ni Presidente Ramos, ginawang legal ang komunismo para ang mga kasapi nito ay malayang makatakbo sa mga pambansang eleksyon. Di pa rin nawala ang mga pananambang at paniningil ng revolutionary tax ng mga NPA rebels. Naging pribilehiyo pa ang peace talks para sa mga miyembro ng government panel na nakakapag-biyahe sa kung saan-saang bansa gaya ng Europa sa pagdalo sa mga pulong pangkapayapaan. Sabi nga ng barbero kong si Mang Gustin: “Whataah waste of money!”
Sana, sana lang ay maging kakaiba ang administrasyong Aquino at magbunga ang mga pagsisikap nito para sa kapayapaan. Sa ganang akin, ang pinakamabisang paraan para mapuksa ang rebelyon ay ang pag-aalis sa ugat nito: Kahirapan at kawalang-hustisya. Ang Komunismo ay umuusbong sa isang lipunang dahop at walang katarungan. Sa lipunan na ang mayayaman ay lalong yumayaman habang ang mahirap ay lalong naghihirap bunga ng katiwalian ng mga namumuno sa bansa.
Korapsyon ang ugat ng rebelyon. Okay lang na ituloy ang peace talks. Pero dapat magpakita ng sinseridad ang gobyerno sa hangaring i-angat ang antas ng kabuhayan ng mga tao at sugpuin ang kawalang-katarungan. Walang rebelyong iiral kapag ang bawat tao ay nabu buhay na marangal at busog sa lahat ng pangangailangan. Huwag nang sabihing pantay-pantay sa kabuhayan dahil mayroong higit na mayaman kaysa iba. Ang mahalaga lang ay pagkakapantay ng tao sa lahat ng serbisyong ibinibigay ng pamahalaan.
- Latest
- Trending