Walang bisang desisyon

BINASAHAN ng hatol ang mag-asawang akusado sa Cri-minal Case No. 19110 (People of the Philippines vs. Spouses Sebastian et. Al.) para sa ginawa nilang pamemeke ng mga pampublikong dokumento. Nakabinbin ang kaso sa sala ni Judge JR at ang binasa lamang ng kanyang branch clerk ay ang mismong hatol sa mag-asawa. Humingi ng kopya ng desisyon ang abogado ng mga akusado ngunit ayon kay Judge JR, nasa computer pa lamang ang desisyon at kung gusto ng abogado ay bibigyan na lang siya ng diskette na naglalaman nito. Ayaw ng abogado.

Ang ginawa ni Judge JR, sinabihan ang mag-asawa at kanilang abogado na uulitin na lang ang pagbasa ng hatol matapos matawag ang iba pang kasong nakasalang para sa araw na iyon. Pinag-antay ni Judge ang mag-asawa samantalang umalis na ang kanilang abogado. Ayaw daw nitong maging parte sa iregularidad na ginagawa ni Judge JR bukod pa sa may iba siyang lakad. Bandang alas onse ng umaga, pinapasok ni Judge ang mag-asawa sa kanyang opisina at ipinabasa ang desisyon sa computer. Hindi pa rin binigyan ng kopya ng desisyon ang mag-asawa. Basahin na lang daw nila ang desisyon kahit wala ang kanilang abogado.

Sa kanilang apela, idiniin ng mag-asawa na hindi sumunod ng korte ang mandato ng batas (Rule 120 - Rules of Court) at ang sinasaad ng ating Saligang Batas (Sec. 14, Art. VIII - Constitution) na dapat nakasulat at pirmado ni Judge ang desisyon bukod pa sa dapat na malinaw din na nakasaad sa desisyon ang mga detalye at batas na ginamit na basehan. Nagsampa rin sila ng kasong administratibo (gross misconduct, gross ignorance of the law, incompetence & inefficiency). Nagkasala ba si Judge?

NAGKASALA. Madali naman sana na mag-print ng kopya ng desisyon at pirmahan ito. Maliban sa kasong ito, kahit kailan ay wala pang narinig sa Judiciary na may huwes na nag-alok ng diskette imbes na magbigay ng kopya ng pirmadong desisyon na hinihingi ng abogado ng kanyang mga nilitis. Walang bisa ang isang hatol na binigkas lang. Kung talagang hindi pa handa si Judge na ilabas ang hatol, sana hindi muna niya ipinabasa ito..

Isa sa kondisyones para masabi na dumaan sa proseso ang isang kaso ay ang bigyan ng karapatan ang bawat pa-nig na malaman kung paano narating ang desisyon sa kaso. Kasama dito ang mga detalye at legal na basehan na nagbigay daan sa korte upang mabuo ang naging desisyon nito. Hindi puwede na basta lang sabihin ng korte na nagkaroon ito ng hatol pabor kay X at laban kay Y na hindi man lang nagbibigay ng anumang paliwanag para sa naging desisyon nito. Karapatan ng natalong panig na malaman ang dahilan ng kanyang pagkatalo at umapela sa mas mataas na hukuman, kung papayagan, at naniniwala siya na maaari pang mabaliktad ang kaso. Ang isang desisyon na hindi malinaw na dinedetalye ang mga pangyayari at batas na ginamit bilang basehan ay pinaparusahan pa ang natalo na mangapa sa dilim kasi hindi niya masabi kung paano siya natalo at kung ano ang naging mali sa naging desisyon ng korte. Kaya paano ito uungkatin at muling pag-aralan ng mas mataas na hukuman.

Magiging walang kuwenta ang batas kung hahayaan ang mga huwes na basta na lang kumilos ayon sa kanilang gusto kahit pa may itinalagang limitasyon sa kanila.

Dahil napatunayan na nag­­kasala, dineklarang hindi na­rarapat si Judge JR sa tungkulin ng isang hukom at tinanggal sa serbisyo (A. M. No. MTJ-06-1638, September 18, 2009, Flo­rencio Sebastian Jr. vs. Julia A. Reyes, 600 SCRA 345, 376).

Show comments