Salamat naman
SALAMAT naman at lumabas na ang bagyong Juan. Nagdulot nang malawakang danyos, at may mga namatay pa. Habang isinusulat ito, pito na ang kumpirmadong namatay at maaaring madagdagan pa. Karamihan ay nadaganan ng mga nabuwal na puno! Ganoon kalakas ang bagyo na kayang magpabuwal ng mga puno! Habang papalabas naman ay nagdulot nang maraming ulan. May mga maganda at masamang dulot naman ito. Maganda para sa mga dam na tuyong-tuyo na, masama para sa mga tanim, partikular ang palay na masisira dahil sa sobrang tubig.
Magdasal tayo na sana ito na ang huling bagyong malakas. Kung may mga bagyo pang darating, mahihina lang sana at katamtamang ulan ang dala. Marami rin kasi ang napeperwisyo ng bagyo katulad ng pagpasok ng mga bata, opisina, lipad ng eroplano, at paglayag ng mga barko. Halos tumitigil ang buhay. Kung may nagpipilit naman diyan, kadalasan sila ang nagiging biktima. May dahilan kung bakit ipinapayo sa lahat na manatili muna sa mga tahanan habang may bagyo.
* * *
Natuwa ako na may isang foundation sa Japan na nagbigay ng mga artipisyal na binti kay Raissa Laurel, ang biktima ng pagsabog sa katapusan ng Bar exams sa De La Salle noong Setyembre. Dahil sa grabeng tinamo sa pagsabog, pinutol ang kanyang dalawang binti. Kaya napakalaking tulong ng donasyon ng Nippon Private Foundation. Maraming, maraming salamat!
Pero nalungkot din ako na dayuhang foundation pa ang nag-isip na magbigay ng kailangan niyang mga paa. Wala bang mga Pilipinong nag-isip gawin iyon? Nasaan ang mga fraternity na palaging pinagyayabang na sila’y tumutulong at hindi mga basagulero? Maraming mayayaman na alumni na ang maraming fraternity. Ano sa kanila ang halaga nung mga artipisyal na binti? Nasaan din ang mga ahensiya ng gobyerno? Nasaan ang mga pulitiko? Pagkakataon itong makatulong sa isang nangangailangan tao, na may magandang kinabukasan kung hindi lang dahil sa ilang mga terorista ng bansa. Pinalampas na lang nila.
- Latest
- Trending