MADALAS nakahahadlang sa maayos na operasyon ng pamahalaan ang hindi pagkakasundo ng Ehekutibo sa ibang sangay ng pamahalaan. Sa kaso ng administrasyong Aquino, may ilang pagkakataong binara ng Korte Suprema ang mga desisyon ng Palasyo, lalu na yung may kinalaman sa pag-aalis sa mga midnight appointments ng nakalipas na administrasyong Arroyo.
Kaugnay nito, sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa na itutuloy ng Malacañang ang pagpuno sa mga puwestong hindi okupado ng Career Executive Service Officers (CESO) sa kabila ng temporary restraining order ng Korte.
Aniya, hindi matitinag ang Palasyo sa status quo ante ng Supreme Court laban sa Executive Order No. 2 dahil tanging ang opisina ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang saklaw nito at hindi lahat ng “midnight appointments” ng nakaraang administrasyon.
Paglilinaw ito ng Palasyo para tiyaking hindi maaantala ang operasyon ng gobyerno dahil lamang sa pagiging kontra-pelo ng SC at Malacañang. Minsan kasi’y mukhang pulitika lang ang rason ng salungatan ng mga sangay ng pamahalaan. Dapat nang isantabi ang ganitong mga pangyayari kung nais nating maayos ang operasyon ng pamahalaan.
Sabi nga ni Ochoa “The TRO was issued only in the case of the National Commission on Muslim Filipinos. So the TRO only applies to that case and does not cover everybody.”
Noong nakaraang linggo, naglabas ng resolusyon ang Supreme Court bilang tugon sa petisyon ni Bai Omera Dianalan-Lucman na itinalagang NCMF commissioner ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong mayroong election ban. Ang posisyon ni Lucman ay ranggong Gabinete.
Ayon kay Ochoa, hindi maaantala ang pagtatala-ga ng kapalit ng non-CESO appointees ng nakaraang gobyerno.
“Many of them have already been reappointed and some have already been terminated from the service. So this is a continuing process,” anang Executive Secretary. Tingin ko, may karapatan ang ehekutibo na humirang ng mga opisyales na “trusted” nito para sa mabuting pamamahala.