'Juan'

HABANG sinusulat ito, isa na ang namatay dahil sa paghampas ng bagyong ‘Juan’ sa Cagayan at Isabela. Ang gusto sana ni President Aquino ay walang mamamatay sa bagyong ito, pero iba ang naging pasya ng tadhana. Hindi puwedeng pakiusapan ang kalikasan. Kapag parating, gawin na lahat ng preparasyon. Isang mangingisda ang nalunod sa ilog sa Tuguegarao, Cagayan. Kung bakit nasa ilog pa kahit alam ng buong bansa na may parating na malakas na bagyo ay siya na ang nakaaalam. Malungkot lang na buhay niya ang naging kapalit ng dahilan na iyon. Matindi ang hangin na humahagupit sa Cagayan at Isabela. May mga landslide na, mga bubong na natatangay, mga puno na nabubunot! Di ko maisip kung gaano kalakas ang hangin na makakagawa niyan!

Pero ayon naman sa mga kinauukulang awtoridad, mas handa sila ngayon kaysa noong isang taon. May mga rubber na bangka na sila, may mga divers na handang sumisid kung kinakailangan, may mga malalaking trak kung kailangang maghatid ng mga kagamitan o tao kapag bumaha, at naka-alerto lahat ng pulis. Nag-alay na rin ng tulong ang Amerika sa pamamagitan nag pagpapagamit ng kanilang mga CH-46 Sea Knights kung kakailanganin. Huwag nang tanggihan ang alay na ito, kung dahil sa kayabangan na naman. May mga ulat na noong Ondoy, nag-alay ng tulong ang mga Amerikano pero tinanggihan ng ilang opisyal para hindi sila ang sikat. At nung tumutulong na, hindi pinayagang bigyan ng atensyon ng media. Totoo man o hindi, tanggapin na ang lahat ng tulong ngayon!

Mangyari nga sana na mapuno na ang mga dam na madadaanan ni ‘‘Juan’’, para mabawasan ang probleman ng tubig sa darating na taon. Para may kunsuwelo rin naman ang pagbayo ng bagyong Juan sa bansa. At sana huwag nang bumagal pa ang kanyang pagtawid, para makaalis na. Natandaan n’yo ang bagyong Pepeng, na tila pumarada muna sa may Pangasinan ng ilang araw bago tuluyang umalis? Kaya naging matindi ang pagbaha sa lalawigan. Inaasahan pagdating ng Miyerkules ay malayo na si ‘‘Juan’’, papuntang ibang bansa na hahagupitin din! 

Show comments