SINABI ni P-Noy noon na susuportahan niya kung ano ang makabubuti upang mapigilan ang pagdami ng populasyon sa Pilipinas. Marami ang nag-akala na sa sinabi niya, okey lamang sa kanya ang iba’t ibang paraan ng birth control.
Nang dumating sa kaalaman ng mga Obispo ang pagsuporta nito sa contraceptives hindi sila makapaniwala na ikukonsidera ni Noynoy ang paglabag sa matagal nang paniniwala ng simbahang Katoliko — alam nilang saradong Katoliko si Noynoy at pamilyang Aquino.
Nalaman ko na hindi pa man nag-uusap si P-Noy at mga lider ng simbahan, biglang nagmenor na kaagad ang presidente. Ipinabot niya sa mga Obispo na ang maaaring suportahan niya ay ang may kinalaman sa natural birth control. Nilinaw pa nito na hindi maaaring suportahan niya ang abortion sapagkat masasabing ito ay isang krimen at malaking kasalanan sa mata ng Diyos at tao. Nililinaw pa nang husto ni P-Noy ang kanyang katayuan tungkol sa nasabing isyu.
Hindi lamang sa Pilipinas nagiging kontrobersiyal ang Reproductive Health. Matinding usapin din dito sa US ang tungkol dito. Mas matagal na ngang problema ito sa US lalo na’t may mga ibang reliyon dito na walang masama sa birth control at abortion. Nagpakitang-gilas ang mga Obispo sa pangangampanya ng pagbabawal sa paggamit ng contraceptives. Naging aktibong lubos ngayon ang mga lider ng iba’t ibang organisasyon ng Katoliko.
Tiyak, magkakasubukan kung sino ang mga tunay na mga Katoliko, hindi lamang sa salita kundi sa gawa at tunay na paniniwala. Nakita ko nitong mga nakaraang araw na dumadami na rin ang gustong maniwala na talagang makakabuti kung gagamit ng contraceptives para hindi lumobo ang populasyon ng Pilipinas.