Sakuna sa Afghanistan
NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang nangya-ring plane crash sa Afghanistan kung saan anim na Pilipino ang namatay. Ang mga biktima ay sina retired Philippine Air Force (PAF) Major General Rene Badilla, former PAF Captain Henry Bulos, Nilo Medina, Wilo Montemar Elbanbuena, Bernardo Gabayan Castillo, at Eduardo Pagtolon-An Padura.
Inihayag naman ng Department of Labor and Employment (DoLE) na miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga namatay, at ginagawa na umano ng pamahalaan ang pag-aasikaso sa bangkay ng mga ito.
Dahil sa pangyayari, muling naging sentro ng mga talakayan ngayon ang umiiral na deployment ban sa Afghanistan dahil sa giyera roon, gayundin ang nagaganap na patuloy pa ring pagpuslit ng ilan natin mga kababayan sa naturang bansa sa pamamagitan ng mga recruiter na nagbabalewala sa nasabing ban.
Ang pagbabawal sa pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa Afghanistan ay ipinatupad noong 2005 at umiiral pa rin hanggang ngayon. Pinagtibay din ng United States Central Command ang deployment ban hindi lang sa Pilipinas kundi pati rin sa iba pang bansa upang hindi umano madamay ang mga dayuhang manggagawa sa kaguluhan doon. Pero base sa impormasyon, sa kabila ng ban ay umabot pa rin sa 1,800 ang mga Pilipinong nasa Afghanistan.
Kahit may deployment ban at may napakalaking peligro sa Afghanistan dahil sa giyera ay marami pa rin umanong naaakit magtrabaho roon dahil naman sa alok na napaka-laking suweldo at mga benepisyo.
Ayon kay Jinggoy, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE), ka-ilangang suriin kung paano ipinatutupad ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang deployment ban sa Afghanistan at bakit marami pa ring mga nakapupuslit sa pagtatrabaho sa naturang bansa.
- Latest
- Trending